Ni Malu Cadelina Manar
Bago pa man magsimula ang campaign period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections, isang babaeng kandidato para barangay kagawad sa Midsayap, North Cotabato ang napaulat na nagpakamatay.
Gayunman, may hinala ang mga imbestigador ng Midsayap Police na may foul play sa pagkamatay ni Juliet Postrado, 48, isa sa mga kandidato para kagawad ng Barangay Poblacion 6 sa Midsayap.
Ginamit na basehan sa pagdududa ng pulisya ang mismong mga pahayag ng mister ni Postrado, si Joseph Rex, 48, tanod sa nabanggit na barangay, at ng mga kapitbahay ng mag-asawa.
Nabatid na sinabi ni Rex sa pulisya na dumating siya sa kanilang bahay bandang 11:30 ng umaga nitong Biyernes at natagpuan si Postrado na nakabigti ng lubid sa biga ng kusina.
Sinabi pa ni Rex na nagsisigaw siya ng tulong upang masaklolohan ng kanyang mga kapitbahay.
Gayunman, iginiit ng mga kapitbahay na nang pumasok sila sa bahay ng mag-asawa ay nakita nilang nakalupasay sa sahig ang wala nang buhay na si Postrado, bukod pa sa nakatodo umano ang volume ng radyo at telebisyon sa loob ng bahay.
Dagdag dito, nakasaad sa report ng mga rumespondeng tauhan ng Midsayap Police sa Cotabato Police Provincial Office (CPPO), na “contaminated”, o napakialaman na ang crime scene nang dumating sila.
Binigyang-diin din ng pulisya na walang bakas ng bigat ni Postrado ang dalawang metro ang haba na lubid na ginamit umano sa pagbibigti ng biktima.
Duda rin ang mismong pamilya ni Postrado na magpapatiwakal ito tatlong araw makaraang maghain ito ng kandidatura nitong Abril 17.
Giit ng pamilya ni Postrado, matagal nang hindi maayos ang pagsasama nito at ni Rex makaraang mabuking umano ng ginang ang pambababae ni Rex, na sinasaktan umano ang biktima tuwing kinukompronta.
Dahil dito, determinado ang pamilya ni Postrado na kasuhan ng murder si Rex habang hinihintay ang resulta ng awtopsiya sa ginang.