NGAYONG linggo itinakda ang paghaharap ng pinuno ng North Korea na si Kim Jong-Un at ni South Korean President Moon Jae-In sa isang makasaysayang summit, ang unang pagkakataon simula nang magtapos ang Korean War noong 1950. Isa ang Pilipinas sa nakipaglaban, kasama ng puwersa ng United Nations, kabilang ang Amerika, para sa South Korea sa nasabing digmaan. Nagtapos ito sa armistice, hindi sa bisa ng kasunduang pangkapayapaan, kaya kung tutuusin ay nananatiling may digmaan ang North at South Korea, at sa lahat ng bansang nakipaglaban para sa huli. Inaasahang sa nakatakdang pag-uusap ay magkakasundo ang dalawang bansa na hahantong sa kasunduang pangkapayapaan makalipas ang napakaraming taon.
Gayunman, ang North-South summit ay magsisilbing paunang kaganapan lamang para sa isang mas mahalagang pagpupulong sa susunod na buwan — ang pulong sa pagitan ni Kim Jong-Un at ng presidente ng Amerika na si Donald Trump. Ang dalawang pinuno ay nagpalitan ng banta ng pag-atakeng nukleyar. At alam ng daigdig na sa isang digmaang nukleyar ay walang alinmang bansa sa mundo ang ligtas. Dahil ang radioactivity na resulta ng anumang nukleyar na pagsabog ay kakalat sa buong mundo, dala ng hangin, papunta sa iba’t ibang bahagi kung saan wala nang maaaring mabuhay na tao.
Kaya naman inaabangan ng buong mundo ang paghaharap nina Kim at Trump. Una nang ipinadala ni Trump si incoming Secretary of State Mike Pompeo upang makipagkita kay Kim. Pawang positibo at puno ng pag-asa ang mga ulat mula sa North. Nagdesisyon ito na ihinto na ang lahat ng isinasagawang missile at nuclear test. Hahanap din ito ng paraan para sa “complete denuclearization” sa Korean Peninsula. Hindi ito humihingi ng anumang kondisyon sa Amerika. At hindi rin nito binanggit ang libu-libong sundalong Amerikano na kasalukuyang nakaistasyon sa South Korea, o kahit ang US nuclear umbrella na nagpoprotekta sa South Korea at Japan.
Iniisip ng ilang opisyal at public commentator sa Amerika na ang kahandaang ito ng North Korea upang pag-usapan ang kapayapaan ay maaaring dahil sa ilang taon nang economic pressure na ibinibigay ng United Nations at Amerika, na nagbunsod upang mabawasan nang malaki ang kinikita ng North sa exports. O maaari ring dahil sa panggigipit ng bansang kaalyado nito, ang China, na magdurusa nang matindi kung magkakaroon ng digmaang nukleyar malapit sa hangganan nito. Anuman ang dahilan ng pagdedeklara ng North Korea ng kahandaang talikuran ang nuclear arsenal nito, inaabangan pa rin ng mundo ang pagkikita nina Kim at Trump dahil maaaring mangahulugan ito ng kapayapaan para sa lahat.
May panahon, maraming taon na ang nakalipas, na hinangad ng North Korea, higit sa ano pa man, na matanggap at kilalanin bilang nagsasariling bansa. Noon ay mayroong paninindigang Asyano na magkaroon ng “mukha” dahil sa mabigat sa isang rason. At maaaring ang konseptong ito ang nasa likod ng mga nangyayari.
Nangako si Kim Jong-Un na ihihinto na ang pagsasagawa ng anumang nuclear test, nang walang paglilinaw kung nakamit na ba nito ang ninanais na kakayahang nukleyar. ‘Tila matutulad ito sa paglilihim tungkol sa kakayahang nukleyar ng Israel. Hindi man kailanman tuwirang inamin at binanggit, ngunit ito ang ipinapalagay ng mundo—partikular na ng mga kaaway nito sa Gitnang Silangan—at ito na rin ang naging dahilan upang mapanatili ang kapayapaan sa nasabing bahagi ng daigdig.
Sa darating na pagpupulong sa pagitan nina Kim at Trump, pinakamainam para sa lahat, partikular para kay Pangulong Trump, na huwag nang gipitan pa ang pinuno ng North Korea sa usapin ng kakayahang nukleyar nito. Sapat nang wala na ang pagpapalitan ng banta—at makalipas ang halos 70 taon, tatapusin na ng isang kasunduang pangkapayapaan ang Korean War.