Nina Genalyn D. Kabiling at Bella Gamotea

Posibleng pagkatapos ng banal na buwan ng Ramadan ng mga Muslim, lalagdaan ng Pilipinas at Kuwait ang panukalang bilateral agreement na magpapabuti sa proteksiyon ng mga Pilipinong manggagawa sa Kuwait.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na seryoso ang Pilipinas at Kuwait sa pagpapatibay ng labor protection agreement bilang bahagi ng kanilang “mutual need for each other.”

Ito ang ipinahayag ni Roque matapos maresolba ang diplomatic conflict bunsod ng pagsagip sa isang inabusong overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait sa pagpupulong nina President Duterte at Kuwaiti Ambassador to the Philippines Saleh Ahmad Althwaikh, sa Davao City kahapon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“We still expect the MOA (memorandum of agreement) providing the minimum terms and conditions of employment for our OFWs to be signed soon. As in fact, they are already talking about possible dates and the possible date maybe after this year’s Ramadan,” ani Roque sa Palace press briefing.

Isinulong ng gobyerno ang labor protection agreement sa Kuwait para maiwasang maulit ang mga pang-aabuso sa OFWs.

MOVE FORWARD

Samantala, nangako ang Pilipinas na igagalang ang sovereignty ng Kuwait para maresolba ang diplomatic conflict kaugnay sa pagsagip sa isang OFW sa Gulf State.

Ito ang tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang prangka at “cordial” na pakikipagpulong kay Ambassador Saleh upang hindi na lumala ang sigalot.

Ayon kay Roque, nagkasundo ang Pilipinas at Kuwait “to move forward” sa bilateral relations.

“They discussed recent events that transpired in Kuwait. They parted on a positive note emphasizing that while the Philippines will always exercise its obligation to protect its nationals abroad, they will do so in a manner respecting the sovereignty of Kuwait,” ani Roque sa news conference.

Nauna rito ay ipinatawag ng Kuwait Ministry of Foreign Affairs si Philippine Ambassador to Kuwait Renato Villa at ipinaabot ang kanilang protesta sa video na nagpapakitang sinasagip ng mga tauhan ng embahada ang isang OFW. Gayunman naayos din ang mga hindi pagkakaunawaan.

“Nagkaintindihan na muli ang Kuwait at ang Pilipinas... I think naayos naman ni Presidente ang sigalot na ‘yan, minor lang naman,” ani Roque.

Nagkasundo ang magkabilang panig na magkaroon ng mahigpit na koordinasyon sa anumang rescue missions ng distressed OFWs sa Kuwait.

Kasama sa pagpupulong sina Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Cayetano, Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre H. Bello III, Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy A. Cimatu, at Presidential Communications Office Secretary Martin M. Andanar.