Mula sa Reuters
KINASUHAN ng mga tagapagmana ni Prince ang isang ospital sa Illinois at ang pharmacy chain na Walgreens, dahil maaaring nailigtas ng mga ito mula sa kamatayan ang singer noong 2016 kung wasto ang diagnose ng mga ito sa singer at kung naagapan ang pagkaka-overdose nito, batay sa dokumentong inilabas nitong Lunes.
Inakusahan sa wrongful death lawsuit, na isinumite sa Cook County Circuit Court sa Chicago nitong Biyernes, ang doktor at pharmacist sa Trinity Medical Center sa Rock Island, Illinois, dahil sa pagkabigo nilang imbestigahan ang overdose, o tiniyak na nakatanggap ng wastong counseling ang pop star.
Inakusahan din ng anim na tagapagmana ang dalawang Walgreens pharmacist ng maling pagbibigay ng prescription medication kay Prince, ayon sa dokumento.
Hindi pa nagpapaunlak ang mga kinatawan ng ospital nitong gabi ng Lunes. Inihayag naman ng tagapagsalita ng parent company ng ospital, ang UnityPoint Health, sa Minneapolis Star-Tribune na hindi nagkomento ang kumpanya sa nakabimbing kaso.
Tumanggi ring magkomento ang kinatawan para sa Walgreens, ang parent company ng Walgreens Boots Alliance Inc., sa Reuters.
Si Prince, 57, ay natagpuang walang buhay sa kanyang bahay sa Paisley Park at recording studio complex malapit sa Minneapolis noong Abril 21, 2016. Ang opisyal na sanhi ng pagkamatay niya ay self-administered overdose ng painkiller fentanyl, na 50 beses na mas malakas kaysa heroin.
Sinabi ng Minnesota prosecutor nitong nakaraang linggo na hindi niya kayang magpataw ng anumang criminal charges, na may koneksyon sa pagkamatay ng Purple Rain singer, makaraang mabigo ang dalawang-taong imbestigasyon hinggil sa pinagkunan ni Prince ng painkiller na may kasamang fentanyl.
Nadiskubre ng mga pulis ang maraming opioid sa bahay ng singer, ayon sa court documents na inilabas noong Abril 2017.
Ginulantang ng pagkamatay ng music superstar, na may public image ng malinis at healthy vegan lifestyle, ang mundo at nabuking din ang alitan sa pagitan ng kanyang mga lehitimong kapatid at kapatid sa labas, na magmamana ng kanyang mga ari-arian, na tinatayang aabot sa daan-daang milyong dolyar ang halaga.
Namatay si Prince isang araw bago ang nakatakdang pagkikita nila ng California-based doctor na dalubhasa sa addiction treatment.
Makaraang bawian ng buhay, inamin ng matagal na niyang collaborator at protégé na si Sheila E. sa Entertainment Tonight na dekada nang nakikipaglaban si Prince sa pananakit ng bewang at tuhod dahil sa intense performing, gayundin sa kanyang paa at sakong.