Ni Jun N. Aguirre
BORACAY ISLAND- Nagpapasalamat ang grupo ng Boracay Ati Tribal Organization (BATO) kay Pangulong Duterte sa pagpapasara sa isla sa loob ng anim na buwan.
Ayon kay Delsa Justo, chieftain ng BATO, dahil sa pansamantalang pagpapasara sa Boracay ay nagkaroon ng pagkakataong maibalik, kahit papaano, ang ganda ng isla.
Bagamat nagpapasalamat, sinabi ng tribo na labis din silang apektado sa pagpapasara sa isla.
Ilan kasi sa mga miyembro ng BATO ay nagtatrabaho bilang tagalaba at tagapaglinis sa ilang hotel sa Boracay.
Sa kabila nito, nakahanda ang mga ati na tawirin ang anim na buwan ng taggutom, bagamat sanay naman silang kumain ng isda at mga gulay na makukuha sa bundok malapit sa isla.
Sinabi ni Justo na nangako na sa kanila ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), kasama ang Department of Interior and Local Government (DILG) na mabibigyan ng trabaho ang mga lalaking ati sa isasagawang rehabilitasyon ng Boracay.