Ni Nora V. Calderon
KAHIT guest role lamang ang ginagampanan ni Ken Chan sa The Cure, masaya siya dahil binigyan siya ng chance ng GMA na makapag-action sa mga eksena, at for the first time ay makasama ang premyadong actress na si Jaclyn Jose.
“Ako rito si Josh Lazaro, isang doctor na mas gustong maglingkod sa mga mahihirap kaysa sa private hospitals,” kuwento ni Ken.
“Only son ako ni Dr. Evangeline Lazaro (Jaclyn), head ng Reserach and Development Team. Naiiba ang role ko rito dahil nagkaroon ako ng chance na makapag-action sa mga eksena. Parang preparation ko na ito sa bagong serye na gagawin ko sa afternoon prime ng GMA na may pagka-action.
“Pero ang isa pong hindi ko makakalimutan, iyong lagi kong kaeksena si Tita Jaclyn. Noong first taping day namin, I memorized all my lines, ayaw kong mapahiya sa kanya, pero napaka-supportive niya, mabait, hindi siya nagagalit kung may nagkakamali sa amin. Binibigyan din niya kami ng pointers at marami po akong natutunan sa kanya. How I wish na sa isa sa mga susunod na projects na gagawin ko, makasama ko siya ulit.”
Natawa na lamang si Ken nang may bumanggit pa rin ng pagganap niya bilang isang beki sa Destiny Rose.
“Isa pong malaking opportunity sa akin na ako ang pinaganap sa Destiny Rose, at ako po naman sigurado ko ang sarili ko, kahit noong ginagawa pa namin iyon. Malaki po ang utang na loob ko sa Destiny Rose na hanggang sa ngayon po ay ipinalalabas pa sa Thailand. Kung lagi po nilang naaalaala ako sa Destiny Rose, salamat po, ibig sabihin na-convince ko sila sa pagganap ko ng character niya.”
Sa ngayon daw ay gusto rin ni Ken na makagawa muli ng movie, tulad ng last na ginawa nila ni Barbie Forteza sa Regal Films. Busy rin naman siya sa pagti-taping ng Saturday show na Day-Off with Janine Gutierrez for GMA News TV na kung saan-saan sila nakapupunta ni Janine at ini-enjoy nila ang mga real stories ng mga taong binibigyan nila ng day-off.