Ni Mary Ann Santiago

Isang vape shop, na ginagamit umanong front ng bentahan ng marijuana, ang sinalakay ng mga awtoridad, na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong katao, kabilang ang isang magkapatid, sa Barangay Barangka, Marikina City, nitong Lunes ng gabi.

Sa ulat ni Senior Supt. Roger Quesada, hepe ng Marikina City Police, kay Eastern Police District (EPD) Director Chief Supt. Reynaldo Biay, nakilala ang mga suspek na sina Joseph Anthony Lopez, may-ari ng Vapers Stop; Joseph Mc Gyver Lopez; at Mark Julius San Jose, pawang nasa hustong gulang, at residente sa naturang lugar.

Ayon sa imbestigasyon, dakong 7:30 ng gabi nang maaresto ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Marikina City Police ang mga suspek nang salakayin ang Vapers Stop sa A. Bonifacio Avenue sa Bgy. Barangka.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Sinabi ni Quesada na nakatanggap sila ng ulat na ginagawa umanong front ng bentahan ng marijuana ang establisimyento kaya kaagad silang nagkasa ng buy-bust operation, at nadakip ang mga suspek.

Narekober ng mga awtoridad sa lugar ang walong glass jar at apat na plastic sachet ng mga pinatuyong dahon ng marijuana, isang timbangan, isang pakete ng hindi pa gamit na plastic sachet, at P1,000 marked money.

Isasailalim sa drug testing ang tatlong naarsto at kakasuhan ng paglabag sa Sections 5 (pagbebenta ng droga) at 11 (pag-iingat ng droga) ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165).