TIYAK nang magkakaiba ang bilang ng mga boto sa pagka-bise presidente sa halalan noong 2016 sa recount na isinasagawa ngayon ng Presidential Electoral Tribunal (PET) sa opisyal na bilang ng Commission on Elections (Comelec).
Ito ay dahil sinunod ng Comelec ang iisang patakaran sa pagbibilang ng mga boto. Habang ibang patakaran naman ang sinusunod ng PET sa isinasagawa nitong recount kaugnay ng election protest na inihain ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. laban kay Vice President Leni Robredo. Walang kinukuwestiyong dayaan sa alinmang iregularidad na sangkot dito. Ang isyu lamang ay ang mga patakarang dapat sundin sa pagbibilang.
Sa halalan noong Mayo 10, 2010, isinapubliko ng Comelec ang Resolution No. 8804 o ang “Rules of Procedure on Disputes in an Automated Election System”, at nakasaad sa resolusyon na “marks or shades which are less than 50% of the oval shall not be considered as valid votes.” Gayunman, kasabay nito ay inihayag ng Comelec na sa recount, “the will of the voters reflected as votes in the ballots shall, as much as possible, be given effect, setting aside any technicalities.” Halimbawa, ang markang check ay hindi makatutupad sa patakaran sa 50 porsiyentong shade, subalit maaaring tanggaping indikasyon ng kagustuhan ng botante.
Sinabi noong 2016 ni Vice President Robredo na nagpalabas ng liham ang Comelec na nagsasabing tinuruan ang mga botante sa tamang pagmamarka sa mga oval sa balota at “the shading threshold was set at about 25 percent of the oval space”. Dahil dito, binilang ng mga vote-counting machine ang mga balota na ang mga oval ay namarkahan ng 25 porsiyento, at kinumpirma ito ng Random Manual Audit Committee, ayon sa bise presidente.
Gayunman, iginiit ng PET na hindi nito batid ang tungkol sa nasabing resolusyon ng Comelec na nagpapahintulot sa 25 porsiyentong threshold sa pagtukoy sa pagiging balido ng isang boto. Nanindigan ito sa orihinal na resolusyon ng Comelec tungkol sa 50 porsiyentong shading ng oval. Ngayon pa lamang ay dapat nang ihanda natin ang ating mga sarili sa magkaibang resulta ng recount ng PET, na tatalima sa patakaran sa 50 porsiyento, kaya tiyak nang babalewalain ang markang check ng ilang botante.
Matapos ang bilangan sa unang 210 voting precinct sa Camarines Sur, nasa 5,000 boto kay Robredo ang pinalawang-bisa sa recount ng PET. Bibilangin pa sa mga saklaw ng protesta ni Marcos ang mahigit 1,200 ballot box mula sa Camarines Sur, Iloilo, at Negros Oriental. Nariyan din ang mahigit 30,000 pang voting precinct kung saan nanalo si Marcos, na saklaw naman ng counter-protest ni Robredo.
Sakaling ipagpatuloy ng PET ang recount nito sa nabanggit na mga voting precinct, gugugol ito ng karagdagang 60 linggo—isang taon at dalawang buwan. At iyon ay kung wala nang magiging petisyon na mag-aantala sa proseso ng bilangan.
Nasa 5,000 boto kay Robredo ang pinalawang-bisa sa nakalipas na dalawang linggo dahil sa nasabing patakaran ng PET. Sa pagtatapos ng muling pagbibilang ng mga boto sa susunod na 14 na buwan, magpapatuloy pa rin kaya ito? Magiging sapat kaya ito upang mapasubalian ang kasalukuyang lamang ni Robredo na 263,473 boto laban kay Marcos?
Nakasubaybay ang buong bansa sa bawat kabanata sa election protest na ito. Umaasa tayong makukumpleto ng PET ang recount at maglalabas ng desisyon bago pa malambungan ng susunod na presidential elections sa 2022 ang electoral protest na ito.
Mistulang determinado naman ang PET—ang Korte Suprema—na kumpletuhin ang tungkulin nito at ituwid ang bilang ng mga boto. Walang alinmang electoral protest ang umabot sa ganitong punto. Anuman ang magiging resulta, tiyak na magiging mahalagang bahagi ito ng kasaysayan ng halalan sa ating bansa.