Ni Mary Ann Santiago

Sisimulan na bukas, Abril 25, ang paunang proseso sa pagpapatupad ng recall election na ipinetisyon ng libu-libong residente ng San Juan City laban kay Mayor Guia Gomez.

Sa pagtitipon ng mga tagasuporta ni dating San Juan City Vice Mayor Francis Zamora, dakong 9:00 ng umaga kahapon sa basketball court sa Barangay Kabayanan, inihayag ng bise alkalde na ibinasura na ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang motion for reconsideration na inihain ni Gomez, na humihiling na mapigilan ang recall election laban dito.

Ayon kay Zamora, nagbigay na rin ng “go signal” ang Comelec en banc upang simulan ang beripikasyon ng mga lagda ng nasa 30,000 residente ng lungsod, na pumirma sa recall petition laban sa alkalde.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Batay sa inisyung notice ni San Juan Election Officer Atty. Gregorio Bonifacio, nabatid na itinakda ng Comelec ang beripikasyon sa mga naturang lagda sa Abril 25 hanggang Mayo 1, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, sa San Juan Knights gym sa San Juan Elementary School sa Bgy. Balong Bato.

“The motion for reconsideration of Guia Gomez has been denied by the Comelec En Banc and the verification of the 30,000 signatures will begin on April 25, 2018,” pahayag ni Zamora kahapon.