Ni MARTIN A. SADONGDONG

Inatasan ni Philippine National Police ((PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang Directorate for Information and Communications Technology Management (DICTM) na imbestigahan ang mga pulis na sa social media pa nagpapahayag ng kanilang pagkontra sa pagkakatalaga niya sa puwesto.

Tinukoy ni Albayalde ang mga negatibong komento ng ilang pulis sa Facebook page na Buhay Lespu, na mayroon umanong mga post tungkol sa PNP, partikular tungkol sa bagong Chief PNP.

“It is where you will see the attitude of our cops. A cop bad-mouthing their commander? I ordered the DICTM to investigate them because I will summon them into my office,” sabi ni Albayalde.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

SUSUSPENDIHIN

Ayon kay Albayalde, ang mga pulis na nakumpirmang namba-bash sa kanya ay mahaharap sa insubordination at sususpendihin.

“If you have something to say to me, we have proper channel for it. We have our grievance committee. Remember, we are in a uniformed service and we have rules and regulations here. We’re not just like anybody else who can do anything that you want,” paliwanag ni Albayalde nang tanungin kung maituturing ba itong paglabag sa malayang pagpapahayag.

Nilinaw naman ng pulisya na ang Facebook page na Buhay Lespu ay hindi minamantine ng Public Information Office (PIO) ng PNP. Gayunman, walang dudang popular ito dahil sa kasalukuyan ay mayroon itong mahigit 475,000 follower.

INTERNAL CLEANSING PAIIGTINGIN

Kaugnay nito, nangako kahapon si Albayalde na paiigtingin ang internal cleansing program ng PNP laban sa mga pulis, hindi lamang sa mga may matitinding pagkakasala, kundi maging ang may minor offenses.

Sinabi ni Albayalde na hindi lamang mga pulis na sangkot sa droga, kotong, at iba pang krimen ang papanagutin kundi maging ang mga hindi nagsusuot ng helmet sa motorcycle patrol operations, ang mga tamad na umayuda sa mga complainant, at maging mga hindi naglilinis ng presinto.

“These are the little things that we want the counter intelligence operatives to report to us. Just recently, we have received complaints about investigators who cannot even give a blotter copy of a spot report to a complainant. There are those who complain that investigators cannot respond to crime scene because they have no gas. Can you believe that?” ani Albayalde.

Dagdag pa niya, inatasan na niya ang Internal Affairs Service (IAS) na pabilisin ang pagre-review sa mga nakabimbing kaso ng mga pasaway na pulis na hindi saklaw ng monitoring ng PNP.

‘DI NAGBIBIRO

Ilang buwan bago naitalaga bilang PNP Chief, naging laman ng mga balita si Albayalde nang magsagawa siya ng mga sorpresang inspeksiyon sa mga presinto bilang director ng National Capital Region Police Office (NCRPO). Kaagad niyang sinibak sa puwesto ang mga pulis na naaktuhang natutulog, naglalasing, at hindi nakasuot ng uniporme.

Sa buong panahon bilang NCRPO director, umabot sa 297 pulis ang sinibak ni Albayalde, habang 825 iba pa ang sinuspinde, at daan-daan ang inilipat ng destino, kabilang ang 365 sa Mindanao.