Ni Clemen Bautista

SA mga environmentalist at mga nagmamalasakit sa kalikasan at kapaligiran, ang ika-22 ng mainit at maalinsangang buwan ng Abril ay natatangi at mahalaga sapagkat pagdiriwang ito ng EARTH DAY. Ngayong 2018, ang naging paksa o tema ng pagdiriwang ay nakasentro sa: “Green the Cities,green the Ocenas” o Gawin Luntian ang mga Lungsod, Gawin Luntian ang mga Karagatan”.

Ayon sa kasaysayan, ang pagdiriwang ng Earth Day ay sinimulan sa America noong Abril 22, 1970. Pinangunahan ang pagdiriwang ni dating Wisconsin Senator Gaylor Nelson upang matawag ang pansin ng pagkawasak ng kapaligiran.

Sa iniibig nating Pilipinas, si dating Senador at DENR (Department of Environment and Narural Resources) at Chairman of the Office of the Presidential Adviser on Climate Change Heherson Alvarez ang awtor ng Senate Resolution na nagtakdang ang ika-22 ng Abril ng bawat taon ay pagdiriwang ng Earth Day sa ating bansa. Ang Pilipinas ay kabilang sa may 150 bansa sa daigdig na nagpapahalaga sa pagdiriwang ng Earth Day.

Sa pagdiriwang ng nasabing kaganapan, may inilunsad na mga aktibidad ang iba’t ibang samahan na nagmamalasakit sa ating kapaligiran at kalikasan. May mga celebrity o artista sa pelikula ang naglunsad ng “Earth Day Run”. Sa Pangasinan, ang mga kandidata sa Limgas Beauty Contest ay hindi nangiming lumusong sa tubig at nagtanim ng mga Bakawan sa provincial mangrove nursery na nasa bayan ng Bolinao ng nasabing probinsya.

Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pangunguna ni DENR Scretary Roy Cimatu ang nanguna sa pagdiriwang ng Earth Day. Nakasentro ang pagdiriwang sa ginagawang paglilinis at rehabilitasyon ng Isla ng Boracay na nakatakdang isara ng anim na buwan mula ika-26 ng Abril. Sa pagdiriwang ng Earth Day, ang Pilipinas ay kasama rin ng ibang bansa na binigyang-diin ang paglutas sa problema ng plastic pollution.

Ang pagdiriwang ng DENR sa Earth Day ay ginanap sa Harbour Park sa Pasay City na ang likuran ay ang Manila Bay, na bukod sa problema sa pollution ay may malaki ring problema sa plastic pollution.

Sa bahagi ng mensahe ni DENR Secretary Cimatu, sinabi niya na:” The time when Filipinos could simply turn a blind eye to crimes against Mother Nature is now over”. Ayon pa sa DENR Secretary, nangingibabaw ang pag-abuso sa kapaligiran sapagkat may mga nagpapahintulot nito, walang pananagutan at hindi pinarurusahan. Kailangan itigil na ang environmental abuse o pagmamalabis sa kapaligiran. Magkaroon ng aktibong bahagi sa pagpapatupad ng mga batas sa kalikasan, sa mga tuntunin, patakaran at mga ordinansa.

Matindi at napapanahon ang panawagan ni DENR Secretary Roy Cimatu sa pagpapatupad ng mga batas sa kalikasan at mga patakaran ng DENR. Maaaring mangyari ang panawagan ng DENR Secretary kung magiging matapat at magkakaroon talaga ng gulugod ang mga tauhan ng DENR sa implementasyon ng mga batas. Hindi makikipagsabuwatan sa mga berdugo ng mga bundok at gubat. At mabubulag ang mga mata sa limpak na CASHunduan.

Sa tuwing ipinagdiriwang ang Earth Day, hindi maiwasan na magbalik lagi sa aking alaala ang “pagkamatay” ng ilog sa Angono, Rizal. Ang dahilan, pinayagan at pinahintulutan ng isang dating mayor na magkaroon ng crushing plant sa isang bahagi ng bundok sa Angono. Dahil sa itinayong crushing plant, dinurog ang mga bato sa bundok. Hinarangan ang tubig sa ilog na mula sa Antipolo at ginawang hugasan ng mga dinurog na bato. Resulta, lumabo ang tubig sa ilog ng Angono dahil sa malapot na tubig na pinaghugasan ng mga batong dinurog. Nawala ang mga isda sa ilog. Bumabaw. At kung tag-araw, may panahon na ang ilog ay naging parang sapa na lamang. Hindi na rin napaglalabahan ng mga taga-Angono at taga-Taytay ang malakas na agos ng tubig sa ilog na mula sa bundok.

Naglaho na rin ang tinatawag na “Sapang Dulangan” na bahagi ng ilog sa Angono. Sa “Sapang Dulangan” na malinaw ang tubig at malakas ang agos ay doon naliligo nang hubo’t hubad ang mga binatilyo at binatang taga-Angono. Sa mataas na bahagi ng “Sapang Dulangan tumatalon ang mga naliligo. Ang bagsak nila ay sa malinaw na tubig. Isang alaala na lamang ngayon ang “Sapang Dulangan” at ang “Banyo ng Pari” na babagi ng ilog ng Angono.

Ang pagdiriwang ng Earth Day tuwing sasapit ang ika-22 ng Abril ay lalong magiging makahulugan kung ang bibigyang diin lagi ang tunay na kahulugan ng pangangalaga at malasakit sa kapaligiran at sa ating Inang Kalikasan. Matapat at maaasahan lagi ang mga taga-DENR. Nakalulungkot lamang na ang mga makabagong berdugo ngayon ng ating kapaligiran at kalikasan ay ang pagkakaroon ng mga mining operation na wala ring habas at pakundangan sa paglapastangan sa ating kapaligiran.