Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS
TINANGGAP ng Malacañang ang pahayag ni dating Presidential sister Kris Aquino na alam niya umano kung bakit nanalo si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa pinakamahigpit nitong katunggali sa 2016 polls.
Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, makaraang magmaktol ni Kris sa kanyang social media accounts nitong Linggo ng gabi, sa pagtatampok ng Rated K, ang magazine program ng asawa ni Mar Roxas na si Korina Sanchez, sa kanyang ex-husbanda ni Aquino na si James Yap.
Sa kanyang Instagram post, inamin ni Aquino na pinersonal niya ang naturang episode, dahil nangampanya siya para kay Roxas, dalawang taon na ang nakalipas, kahit na hindi niya ito gusto at kahit na alam niya kung ano ang magiging consequence ng kanyang ginawa.
“Lahat ng batikos ng dahil sa pagtulong na yon tinanggap ko... Si PRRD lahat nung pagkakataon na nagkaharap kami, mabuti ang pinakita sa kin. Sampal sa mukha ko ang inilabas na feature ngayong gabi nung misis ni Mar Roxas,” sabi ni Aquino.
“I apologize sa Kuya ko (dating President Benigno Aquino III), humihingi rin ako ng paumanhin sa ninang ko na nanay ni Mar--pero klarong-klaro sa kin kung bakit ang nanalong Pangulo ay si Duterte,” dagdag pa niya.
Tinanggap naman ni Roque, sa Palace press briefing kahapon ng umaga, ang pahayag ng Queen of all Media.
“Welcome on board Kris Aquino,” sabi ni Roque habang nakataas ang kanyang kamao sa ere, ang simbolo ng kampanya ni Duterte, at ngayon ay Duterte’s presidency.
Tinalakay din ni Roque ang bahagi ng pahayag ni Aquino na puro kabutihan lamang ang ipinakita ng Pangulo sa kanya sa tuwing sila ay magkikita.
“At alam mo yun din ang sinabi sa akin ni Presidente, ah. Kasi si Presidente nung ‘86 revolution nag-suporta kay Cory, at lahat ng kampanya ng pamilyang Aquino suportado ni Presidente Duterte sa Davao. And the mother of course of the President,” sabi ni Roque.
Gayunman, makaraang buweltahan sina Roxas at Sanchez, kaagad namang humingi ng paumanhin si Aquino for “including politics” sa issue. Humingi rin siya ng paumanhin kay President Duterte.