Rockets at Jazz, umabante sa West playoffs, 3-1

MINNEAPOLIS (AP) — Nagbuhos ng 50 puntos, tampok ang 22 ni James Harden, sa third period sapat para masindak ng Houston Rockets ang Minnesota Timberwolves tungo sa 119-100 panalo sa Game 4 ng kanilang Western Conference first-round playoff nitong Lunes (Martes sa Manila).

Abante ang Rockets sa 3-1.

Nag-ambag si Chris Paul ng 25 puntos, kabilang ang 15 sa muntik nang scoring record sa third period para sa Rockets, sumambulat sa 31 puntos na bentahe mula sa dikit na 50-49 sa halftime.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang tanging koponan na nakagawa ng pinakamaraming puntos sa isang quarter ay ang Los Angeles Lakers, kumana ng 51 puntos sa fourth period noong Marso 31, 1962, sa kabiguan sa Detroit Pistons.

Kumubra si Clint Capela ng 14 puntos at 17 rebounds, habang kumana si Eric Gordon ng 18 puntos para sa Rockets.

Nanguna si Karl-Anthony Towns sa Wolves sa natipang 22 puntos at 15 rebounds.

JAZZ 113, THUNDER 96

Sa Utah, ratsada si rookie Donovan Mitchell sa naiskor na 33 puntos, habang umiskor ng double digits ang lahat ng Jazz starters para maitirik ang 3-1 bentahe sa kanilang playoff series.

Hataw si Joe Ingles ng 20 puntos, habang nagsalansan si Rudy Gobert ng 16 puntos at 10 rebounds, at umiskor sina Derrick Favors at Ricky Rubio ng tig-13 puntos.

Humakot si Paul George ng 32 puntos para sa Oklahoma City, habang bumuhat si Russell Westbrook ng 23 puntos at nalimitahan si Carmelo Anthony sa 11 puntos.