Ni Leonel M. Abasola
Aminado si Liberal Party (LP) Senador Bam Aquino na kailangang mag-double time ang kanilang partido sa pagbuo ng senatorial slate na pawang independent at hindi magiging sunud-sunuran sa dikta ng Pangulo.
Ayon kay Aquino, may usapan na ang LP, ang Simbahan, ang mga cause-oriented group, ang mga non-traditional political party, at ang mga socio-civil organization, sa pagbuo ng isang malakas na partido.
Tanging si Aquino lamang ang pulitikong pumasok sa Magic 12 ng Pulse Asia Survey noong nakaraang linggo.
“Sa palagay ko pagdating ng election, maa-appreciate ng taumbayan na kailangan ng oposisyon. Hindi kailangan na iisang panig lang at kung meron mang pagtutol na kailangang gawin, kailangan sapat ang aming numero sa Senado,” ani Aquino.
Aniya, panahon na upang magsama-sama at higit sa lahat, kailangan ng mga bagong mukha at pangalan para sa makabagong oposisyon.
Gayundin, naniniwala si Aquino na bago dumating ang Oktubre ay may mga pagbabago pang magaganap sa magkabilang partido.