Ni Alexandria Dennise San Juan

Dahil sa dumadaming reklamo laban sa mga Grab driver, inihayag ng ride-sharing company na nagpatupad ito ng ban at sinuspinde ang aabot sa 500 partner-driver nito, kaugnay ng biglaang booking cancellations at iba pang mga paglabag ng mga ito.

Sinabi ng Grab Philippines sa isang pahayag nitong Lunes na ipinagbawal at sinuspinde nito ang tinatayang 500 driver nito noong nakaraang linggo, at mahaharap ang mga ito sa imbestigasyon, bunsod ng mga reklamo na kanilang natanggap, gaya ng kanselasyon ng booking ng mga pasahero.

Sa kanilang pinaigting na kampanya, sinabi ni Grab Philippines Head Brian Cu na inaasahan niyang mas maraming driver ang magiging disiplinado sa mga susunod na araw.

National

Zamboanga del Norte, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol; Aftershocks at pinsala, asahan!

Sa naunang panayam, inamin ni Cu na nalalaman nila ang mga reklamong ibinabato sa kanila tungkol sa mga walang modong driver, na nagiging viral na rin sa social media.

“We will never tolerate any behaviour that compromises the quality of our service. We see every post and complaint. We apologize that our services fell short. However, we will move forward. We have rolled out additional and stricter measures to address issues on cancellations and this is just the start. We promise to improve to provide the quality of service our passengers deserve,” saad ni Cu.

Sa panig naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sinabi ni Board Member Atty. Aileen Lizada na mag-iisyu ang ahensiya ng show cause order laban sa mga inireklamong Grab driver.

Ayon kay Cu, pinayagan lamang ng Grab Philippines ang mga partner-driver nito ng 5% cancellation rate bilang metric sa kanilang insentibo, habang ang mga driver na magkakaroon ng 10% at pataas na cancellation rate kada linggo ay maaaring maharap sa parusa gaya ng suspensiyon at pagkakatanggal sa platform.