PNA
INILUNSAD ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA) ang isang malaking proyekto na magbibigay-diin sa pagpapahalaga at pagpapalakas sa sektor ng agrikultura sa mga bansang kasapi nito, lalo na sa Pilipinas.
Bitbit ang layuning ipabatid ang mga suliraning kinakaharap ng agrikultura, sinimulan na ng SEARCA ang unang hakbangin upang maipatayo ang 1.8-milyon dolyar na inter-active museum sa 1,000 metro kuwadradong lote sa University of the Philippines-Los Baños (UPLB) campus sa Laguna. Magsisilbi rin itong learning center para sa pagpapaunlad ng mga lalawigan at ng agrikultura.
“This is not a Philippine facility but for Asia. But it’s going to be a landmark facility located in the Philippines and an attraction for the country,” sabi ni Gil Saguiguit Jr., director ng SEARCA.
Sinabi ni Saguiguit na nasa “curating stage” na ang itatayong museo. Bahagi ng plano ang paglalagay ng advance information technology upang maipakita ang “science-based knowledge and innovations”.
Itatampok din sa museo ang artifacts na nagpapakita sa kalikasan ng agrikultura at ang magkakaibang kultura ng pagtatanim sa Timog-Silangang Asya.
Ayon kay Saguiguit, kalahati ng gugugulin sa pagpapatayo ng museo ay magmumula sa iba’t ibang donasyon. Bukod sa UPLB at Department of Agriculture na nagbigay ng lote, nangako rin ng donasyon ang International Service for the Acquisition of Agri-biotech Applications (ISAAA).
Ngunit sinabi ni Saguiguit na sa ngayon ay naghahanap pa ang SEARCA ng bansang makatutulong sa pagpapatayo ng museo, ito man ay sa pamamagitan ng pinansiyal, materyal, archaeological, historical, intellectual, o iba pang bagay na kailangan.
Umaasa rin ang SEARCA director na makakapag-ambag din sa museo ang mga miyembro ng Southeast Asian Ministers of Education of Education Organization (SEAMEO).
Ang SEAMEO Council ay ang policy-making body ng SEARCA, na binubuo ng Malaysia, Thailand, Indonesia, Singapore, Brunei Darussalam, Laos PDR, at ng mga Minister of Education ng 11 kasaping bansa—ang Pilipinas, Cambodia, Myanmar, Vietnam, at Timor-Leste.
“It is a Southeast Asian facility, a learning facility that will give us a push for agriculture development,” aniya.
Paliwanag pa ni Saguiguit, ang museo ay lugar upang turuan at ipaalam sa mga tao ang suliraning kinakaharap ng agrikultura. Kabilang dito ang paglobo ng populasyon, climate change, land degradation, pagkaubos ng likas na yaman, at ang kawalan ng interes ng kabataan sa pag-aaral ng agrikultura at bilang mapagkakakitaan.
“If nobody studies agriculture anymore or go into this as a career or livelihood, the inevitable question is who will replace the next generation of farmers,” giit ng direktor.
Iginiit ni Saguiguit ang kahalagahan ng agrikultura para sa seguridad ng pagkain sa rehiyon.