Ni Gilbert Espeña

Biglang naging kandidato si OPBF bantamweight champion Mark John Yap ng Pilipinas sa kampeonato ng WBC matapos umakyat bilang No. 3 contender sa titulong nabakante nang mag-overweight ang dating kampeon na si Luis Nery ng Mexico.

Iniangat ng WBC si Yap sa April ratings ng bantamweight division matapos ang matagumpay na depensa laban kay ex-WBC ABC featherweight champion Takafumi Nakajima noong Abril 4, 2018 sa Korakeun Hall sa Tokyo, Japan.

Anumang araw, ihahayag ng WBC kung sino ang maglalaban para sa bakanteng korona kina Yap, No.1 contender at Silver bantamweight champion Nordine Oubaali ng France at No. 2 rated Petch Sor Chitpattana ng Thailand.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

May magandang rekord si Oubaali na perpektong 14 panalo, 11 sa pamamagitan ng knockouts ngunit minsan lamang lumaban sa labas ng France.

Kabilang sa mga naging biktima niya sina dating world champions Julio Cesar Miranda at Alejandro Hernandez ng Mexico at dating world rated Mark Anthony Geraldo ng Pilipinas.

May perpektong kartada na 46 panalo, 31 sa pamamagitan ng knockouts si Chtpattana ngunit pulos pipitsging boksingero ang kanyang nakaharap sa ring at hindi pa lumalaban sa labas ng kanyang bansa.

Pangit ang boxing rekord ni Yap na 29-12-0 win-loss-draw na may 14 panalo sa knockouts ngunit mula nang magbase sa Osaka, Japan at nagtala ng 10 sunod-sunod na panalo, 4 sa pamamagitan ng knockouts.

Kabilang sa mga biktima ni Yap sa Japan si dating WBA minimumweight titlist Juan Jose Landaeta ng Venezuela, ex-OPBF bantamweight champion at knockout artist Takahiro Yamamoto at five-time world title challenger Horoyuki Kudaka.