Ni Mary Ann Santiago

Lalo pang paiigtingin ng Commission on Elections (Comelec) ang voter’s education sa bansa, kaugnay ng ilang problemang naobserbahan ng komisyon sa simulated voting nitong Sabado para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Mayo 14.

Tiniyak ni acting Comelec Chairman Al Parreño na makatutulong ang voter’s education at training para maiwasan sa mismong araw ng halalan, ang mga naobserbahang pagkakamali sa isinagawa nilang simulation.

Aniya, habang nagbibilangan ng boto ay naobserbahan ng mga election officer na nagkaroon ng kalituhan ang mga botante sa mga balota para sa pambarangayang halalan at SK polls at napagpalit ang mga ito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Partikular na nagkamali ang mga botanteng eligible na bumoto para sa barangay at SK polls.

Kahit na umano sinabihan na at may nakasulat naman na instruksiyon sa board ay nalito at napagpalit pa rin ng mga ito ang mga balota.

“Still, nalilito pa rin po sila. ‘Yung pang-barangay (na balota), inilalagay nila ang boto nila doon para sa SK,” ayon sa election officer na si Anna Abella.

Nilinaw naman ni Abella na hindi bibilangin ang mga misplaced ballots kaya dapat na tiyakin ng mga botante na maisusulat sa tamang balota ang pangalan ng mga iboboto upang hindi masayang ang kanilang boto.