Ni Charissa M. Luci-Atienza

Nagbabala kahapon ang mga mambabatas sa gobyerno ng Kuwait laban sa pagpapalayas sa envoy ng Manila kaugnay sa viral video na nagpapakita sa tauhan ng Philippine embassy na inililigtas ang isang inabusong overseas Filipino worker mula sa employer nito.

Naglabas sina ACTS-OFW Rep. Aniceto ‘John’ Bertiz III at AKO BICOL party-list Rep. Rodel Batocabe ng matinding babala matapos hilingin ng ilang opisyal na Kuwaiti ang pagpapalayas kay Philippine Ambassador Renato Pedro Villa kaugnay sa video na nakitang inaalalayan ng mga tauhan ng PH embassy ang isang inabusong Filipino domestic helper palabas sa bahay ng Kuwaiti employer nito at isinakay sa diplomatic vehicles.

“If they throw out our ambassador, it will not be left unanswered by the Philippine government. There will surely be tit-for-tat,” saad sa pahayag ni Bertiz.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Tinawag niyang “totally uncalled for” ang demand ng ilang miyembro ng Parliament sa Kuwait na palayasin ang ambassador ng Pilipinas dahil sa nasabing insidente.

Tumungo si Bertiz sa Kuwait nitong weekend para tiyakin na makasakay sa eroplano pauwi sa bansa ang undocumented Filipino workers na nakakuha ng amnestiya mula sa gobyerno ng Kuwait.

Sinabi naman ni Batocabe na, “If they want to expel our ambassador, then, (we) might just as well call for the expulsion of their ambassador. “

Sa isang pahayag, nagbabala ang Kuwait Interior Ministry na “the full force of the law will be brought to bear on those complicit in the wrongdoing” kasabay ng pagpahayag ng “grave concern” over the episode in the video.”

Sinabi ni Bertiz na dapat maunawaan ng Kuwaiti officials na obligasyon ng gobyerno ng Pilipinas na pangalagaan ang mamamayan nito, saan man sila naroroon.

“In extreme cases wherein Filipino domestic workers are being physically battered or sexually abused, and cry out for help, our embassy is expected to take appropriate action,” aniya.

Iniulat na ipinatawag ng Kuwait Foreign Ministry si Villa upang iabot sa kanya ang liham ng diplomatic protest ng State of Kuwait sa aksiyon ng ilang empleyado ng embassy na paglabag sa diplomatic norms sa pagitan ng dalawang bansa alinsunod sa Vienna Convention on Diplomatic Relations, iniulat ng Kuwait News Agency.

Nagpahayag ang Ministry spokesperson ng “regret over such practices which could harm the friendship between the two countries.”