Warriors, bigo sa ‘sweep’; Bucks, Wizards at Cavs, tumabla sa serye
MILWAUKEE (AP) — Nasa tamang puwesto sa kritikal na pagkakataon sa krusyal na sandali si Giannis Antetokounmpo para sa Milwaukee Bucks.
Naisalpak na tinaguriang ‘Greek Freak’ ang tip-in mula sa sablay na hook shot ng kasanggang si Malcolm Brogdon may limang segundo ang nalalabi sa laro para maisalba ng Bucks ang matikas na ratsada ng Boston Celtics, 104- 102, nitong Linggo (Lunes sa Manila) at maitabla sa 2-2 ang kanilang Eastern Conference best-of-seven first-round playoff.
Mula sa inbound ni Eric Bledsoe, dumiskarte si Brogdon para makatira sa depensa ng Celtics. Mula sa tamang posisyon, lumundag ang 6-foot-11 na si Antetokounmpo para magapi sa rebound si Boston guard Jayson Tatum para sa go-ahead basket.
“It’s a heck of play,” pahayag ni Bucks coach Joe Prunty.
Hataw si Antetokounmpo sa nakubrang 27 puntos, habang tumipa si Khris Middleton ng 23 puntos, ngunit ang depensa niya kay Marcus Morris sa buzzer ang nagtampok sa kanyang laro.
Host ang Boston sa Game Five sa Martes (Miyerkules sa Manila).
“One of the most important things that we can carry from this game moving forward is that we stayed disciplined and we trusted one another,” pahayag ni Antetokounmpo.
Umabante ang Milwaukee sa 20 puntos may 7:37 sa third quarter.
Ngunit, nakabangon ang Bostos, sa pangunguna nina Jaylen Brown na kumana ng 34 puntos at Tatum na tumipa ng 21 puntos, kabilang ang 18-footer jumper na nagbigay ng 100-99 bentahe sa Celtics may 52 segundo sa laro.
SPURS 103, WARRIORS 90
San Antonio, naunsiyami ang pagusad ng Golden State Warriors sa second round nang gapiin ng Spurs sa Game 4 ng kanilang Western Conference first-round playoff.
Hataw si Manu Ginobili ng 16 puntos, kabilang ang 10 sa final period para sandigan ang Spurs sa pagbigong sweep ng Warriors. Nag-ambag si LaMarcus Aldridge ng 22 puntos at 10 rebounds.
Nanguna si Kevin Durant sa Warriors sa naisubing 34 puntos at 13 rebounds. Magagawang tapusin ng Warriors ang serye sa Game 5 sa Oracle Center sa Martes (Miyerkules sa Manila).
Bukod kay Durant, tanging sina Klay Thompson (12) at Shaun Livingston (10) ang nakaiskor ng double digit para sa Warriors.
Nagsalansan si Rudy Gay ng 14 puntos, habang tumipa sina Dejounte Murray at Kyle Anderson ng 12 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod para sa Spurs.
WIZARDS 106, RAPTORS 98
Sa Washington, muling nangibabaw ang Wizards, sa pangunguna nina Bradley Beal at John Wall na umiskor ng 31 puntos at 27 puntos, ayon sa pagkakasunod, para gapiin ang top seed Toronto Raptors sa Gane 4 at ipatas ang first-round playoff series sa 2-2.
Tabla ang iskor sa 92 may limang minuto ang nalalabi sa laro nang ma-fouled out si Beal nang tangkaing agawan ng bola si Toronto star DeMar DeRozan.
Nagawang makabante ng Raptors, ngunit matikas na nakihamok si Wall para mapanatili ang kikig ng Wizards tungo sa panalo.
Host ang Toronto sa Game 5 sa Miyerkules (Huwebes sa Manila).
Nanguna si DeRozan sa Raptors sa naiskor na 35 puntos, habang kumubra si Kyle Lowry ng 19 puntos para sa Toronto.
CAVS 104, PACERS 100
Sa Minneapolis, nabitiwan ng Cleveland Cavaliers ang double-digit na bentahe sa kaagahan ng first half, ngunit matikas na nakabawi para gapiin ang Pacers at maitabla ang kanilang Eastern Conference first round playoff series sa 2-2.
Umabot sa 49-33 ang bentahe ng Cavaliers sa second quarter mula sa three-pointer ni Jordan Clarkson, ngunit nakabawi ang Pacers para agawin ang abante sa 82-83 sa kaagahan ng final period.
Nabawi ng Cleveland ang bentahe mula sa three-pointer ni Kyle Korver na sinundan ng driving layup ni James, 96- 93.
Tumapos si James na may 32 puntos mula sa 2 of 22 shooting, habang si Korver ay may 18 puntos.