Ni Jun Ramirez

Ibinunyag ng isang mataas na opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na mahigit kalahati ng 3,500 top taxpayers sa ilalim ng hurisdiksiyon ng Large Taxpayers Service (LTS) ay ilang taon nang hindi nagre-remit ng income at value-added taxes.

“These taxpayers simply apply their huge tax credits to settle their indebtedness,” sinabi ni Revenue Deputy Commissioner for Operations Arnel Guballa.

Upang matukoy ang validity ng tax credit claims, sinabi ni Guballa na inatasan ang LTS examiners na tingnan ang prior year excess credits para sa income at input tax carry-over para sa VAT.

National

Ex-Pres. Duterte, ikakampanya si Quiboloy: 'Marami siyang alam sa buhay!'

Ayon sa opisyal ng BIR, top priority ang review sa tax credit applications dahil ang conglomerates na ito at inter-related companies ay nag-aambag ng mahigit 65 porsiyento ng annual total take ng bureau.

“We want tax examiners of the LTS to veer from the traditional audit of sales and purchases and concentrate on monitoring and reviewing tax credit claims,” sinabi ng revenue official.

Inilarawan ng insiders ang hakbang na “wise” at “timely” dahil limitado ang bilang ng mga tauhan ng bureau na maaaring sumuri sa invoices at receipts na inisyu ng malalaking negosyo sa mga transaksiyon na nagkakahalaga ng daan-daang milyon at bilyong piso bawat taon.

Sinabi ni Guballa na ang initial results ng non-traditional investigation na ito ay naging “very encouraging” at nakalikom ang LTS sa unang pagkakataon ng double digit collection growth para sa first quarter, mula sa dating average na apat hanggang sa mahigit 16 na porsiyento.

Ilang taon na ang nakalipas nang madiskubre ng BIR tax fraud probers ang paggamit ng tax credits certificates ng malalaking kumpanya para ayusin ang kanilang tax debts, kabilang ang malalaking kumpanya ng langis na nakukuha ito mula sa iba pang corporate taxpayers sa discounted rate.

Ilang finance and revenue officials na nakatalaga sa one-stop-shop ng finance department ang idinawit at kinasuhan kaugnay sa scam.