Sinulat at mga larawang kuha ni JOJO RINOZA
BINUHAY ng makukulay na paraw o sailboats ang baybayin ng Lucap Bay sa Alaminos, Pangasinan sa pagdiriwang ng ikalawang taon ng Paraw Festival, noong nakaraang buwan.
Nagpabonggahan sa disenyo, kulay at palamuti ang mga paraw para sa kompetisyon ng pinakamagandang paraw.
Nakaw-pansin ang paraw ni Joeny Navarro na may pinta sa layag nito ng ‘Christ the Savior’, isa sa mga pamosong puntahan ng mga turista. Ang mahigit 50 talampakang istatwa ni Hesukristo ay matatagpuan sa Pilgrimage Island.
Ito ang nagwagi bilang “best decorated paraw.” Pumangalawa ang paraw ni Jimmy Baniqued at pumangatlo ang paraw ni Jessie Ambrocio.
Bukod sa fluvial parade, tampok din ang iba’t ibang kasiyahan sa festival na kinasabikan ng mga residente at turista,
tulad ng karera ng mga paraw, paraw island tours at ang Ban-oitan o sports fishing competition.
Sakay ng mga paraw, naglayag ang bawat kalahok sa ban-oitan upang manghuli ng mga isda gamit ang mga pamingwit.
Tinanghal na kampeon si Generoso Raniaga sa nahuli nitong hito na tumimbang ng 5.9 kilograms. Pumangalawa si Jeony Navarro sa 5.5kg nahuling isda at pumangatlo si Rey Villena sa 5.2kg nahuli.
Ang taunang Paraw Festival ay hindi lamang para sa turismo kundi para rin mapahusay pa ang kabuhayan ng mga residente, partikular na ang mga mangingisdang paraw, ayo sa mga opisyal.
Sa kasalukuyan ay mahigit limampung mangingisda ang nakikinabang sa kanilang programa