MAY magandang balita ang International Monetary Fund (IMF) para sa Pilipinas nitong nakaraang linggo.
Sa ulat sa naging pagpupulong ng 189-nation IMF, World Bank at ng grupo ng 20 major economies sa Washigton, DC, sinabi ng IMF na inaasahan nito na tataas ng 6.7 porsiyento ang Gross Domestic Product ng Pilipinas, mula sa dating 6.7% noong 2017, ngayong 2018.
Mas maganda ito kung ikukumpara sa 6.6% ng GDP growth ng China at sa average growth ng mga pangunahing miyembro ng Association of Southeast Asian Nations(ASEAN) na may 5.3% ngayong 2018. Pinakamalaki naman ang inaasahang pag-angat sa India sa 7.4% GDP.
Sa paghahambing, ang GDP growth ng Estados Unidos ay tinatayang 2.9% ngayong taon, mas mataas mula sa 2.7% noong 2017. Ang 19 na bansa sa Europa ay inaasahang magkakaroon ng 2.4% GDP growth. Inaasahan namang bababa pa ang GDP ng Japan sa 1.2% ngayong 2018, mula sa dating 1.7 noong nakaraang taon dahil sa bumababang populasyon at edad ng mga mga manggagawa.
Sa higit na pagkukumpara: Ang Africa sa katimogang bahagi ng Sahara ay inaasahang magkakaroon ng 3.4% economic growth, mula sa 2.3% ng 2017. Habang ang Latin America ay magkakaroon naman ng 2% GDP, mula sa 1.3% noong nakaraang taon.
Sa gitna ng mga pag-unlad sa buong mundo, maipagmamalaki natin ang inaasahang pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas—6.7% ngayong taon at pangalawa sa 7.4% ng India.
At sinisimulan pa lamang natin ang malawakang programang imprastruktura ng pamahalaan na “Build, Build, Build” na tinatayang gugugol ng P1.2 trilyon sa mga proyekto nito ngayong taon, na susundan ng P1.4 trilyon sa 2019; P1.5 trilyon sa 2020; P1.7 trilyon sa 2021; at P1.9 trilyon sa taong 2022- halos P8 trilyon sa administrasyong Duterte.
Kabilang sa 75 proyekto ang anim na paliparan, siyam na railway, tatlong rapid bus transits, 32 kalsada at tulay, at apat na seaport. Sa ngayon ay puspusan ang Department of Public Works and Highways sa mga ginagawang kalsada upang maibsan na ang traffic sa Metro Manila. Sa susunod na taon, makikita natin ang pagsisimula ng Metro Manila subway, Clark Airport expansion, Mindanao railway at ang bagong water supply project sa Metro Manila.
Kabilang sa ulat ng IMF noong nakaraang linggo ang hindi kaaya-ayang balita ng pagtaas ng kawalan ng trabaho sa Asya ngayong taon- 5.5% para sa 2018 at 2019. Target ng Pilipinas ang 4.7% hanggang 5.3% ngayong taon at 4.3% hanggang 5.3% naman sa 2019 na pa-angat sa trabaho. Inaasahang lilikha ang “Build, Build, Build” ng 2.7 milyong trabaho sa 2022 at magdudulot ng paglakas ng commercial activity ang mga imprastruktura na magbibigay ng mas maraming trabaho para sa mga mamamayan.
Aabangan natin ang magiging ulat ng IMF sa panahong tapos na ang lahat ng programang ito ng pamahalaan.