Ni AARON B. RECUENCO
Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang intelligence unit ng pulisya na apurahin ang pagtukoy sa hot spots para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa susunod na buwan.
Sa huling assessment, sinabi ni Albayalde na mayroong 7,544 election hot spot areas sa bansa at kasalukuyan nang ina-assess ng pulisya, militar, at Commission on Elections (Comelec) ang sitwasyon ng seguridad sa nasabing mga lugar.
“But whenever we say hot spots, they are not necessarily dangerous places. These areas were categorized as election hot spots because of some violence that only include mauling incidents, not necessarily firefight,” paliwanag ni Albayalde.
Sa ngayon, nire-review ng PNP ang mga nakalipas na kaso ng insidente ng karahasan sa mga nakaraang eleksiyon, kabilang ang huling halalang pambarangay noong 2013, at ang national elections noong 2016.
Itinuturing na mas seryoso ang banta ng karahasan tuwing barangay elections, kumpara sa national polls dahil ang mga kandidato at mga tagasuporta nito ay nagmumula sa iisang lugar.
Ayon kay Albayalde, ang pagtukoy sa hot spots sa barangay elections sa Mayo 14 ay magsisilbing basehan sa paglalatag ng mga estratehiya sa kapayapaan at kaayusan, partikular na para sa mga hepe ng pulisya.
Bukod sa pagtukoy sa election hot spots, sinabi ni Albayalde na tinututukan din ng PNP ang mga kandidatong may kaugnayan sa ilegal na droga, gaya ng una nang babala ni Pangulong Duterte.
Bagamat hawak na ng Pangulo ang listahan ng mga opisyal ng barangay na sangkot sa droga, sinabi ni Albayalde na ipauubaya na ng pulisya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung isasapubliko ang nasabing listahan.
“What’s important here is that we deliberate and adjudicate to give them, to be fair on those who are in the watch list,” sabi ni Albayalde.