Ni Dave M. Veridiano, E.E.
MALAKAS at paulit-ulit akong napalatak nang marinig ko sa radyo ng taxi na aking sinakyan kahapon, ang balitang may natagpuang 28 kilong cocaine na nagkakahalaga ng P162 milyon, na nakapaloob sa isang palutang-lutang na plastic container, sa gitna ng laot na nasasakupan ng lalawigan ng Camarines Norte, ang isang grupo ng mangingisdang taga-Lalawigan ng Quezon.
Ngunit mas nagulat ako sa komento ng drayber ng taxi, madiin, matapang at walang kagatul-gatol: “Maraming buhay na ang nasayang pero nandiyan pa rin ang salot na droga. Tinatalbusan lang kasi ang puno kaya lalong yumayabong. Dapat yung buong puno ang itinutumba at ang ugat binubunot, para tuluyang mamatay at di na makapagbunga pa!”
Pagkatapos niyang bumuntong-hininga, nagbulalas pa ulit siya ng saloobin: “Yung mga batang biktima ng pusher ang pinagpapapatay nila, samantalang yung mga kilalang drug lord, nakakulong nga pero daig pa yung mga buhay na nasa laya. At yung mga talagang bigtime, wala tayong kaalam-alam mga napawalang-sala na pala!”
Dama ko ang lalim ng pinaghuhugutan ni Koyang drayber. Pareho ang naramdaman namin, lalo na nang masundan pa ang balita na sa Marikina City ay may ni-raid ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na isang laboratoryo ng droga na nakumpiskahan ng iba’t ibang uri ng kemikal na gamit sa paggawa ng shabu. Ang may-ari ng “laboratoryo” ay mga Tsino na nagnenegosyo sa Barangay Nangka.
Umeere ang komersiyal nang mapansin ko ang nangingilid na luha sa mga mata ng drayber. Agad niya itong pinunasan ng basahang bilog, na kabibili lamang niya sa isang batang vendor na patakbu-takbo sa gitna ng kalsada sa panulukan ng Mindanao Avenue at North Avenue sa Quezon City. Di na ako kumibo hanggang sa makarating na kami sa aking destinasyon, nagbayad, nagpasobra ng konti, at bumaba sa Cubao.
Naglalakad ako papunta sa aking meeting sa isang mall sa Cubao, ay nasa isipan ko pa rin ang “hugot” ni Koyang drayber -- ramdam kong isang mahal niya sa buhay ang napasama sa libu-libong natumba na biktima ng tinatawag na “extra judicial killings” o EJK na pilit namang itinatanggi ng pamahalaan na may kinalaman sila rito, hanggang sa mga nangyayari sa kasalukuyan.
Tama si Koyang drayber, di matitigil ang problema sa droga hanggang ang SOURCE (PUNO) nito ay nananatiling “may ugat at namumunga” -- ang mga nakuhang droga ng mga mangingisda sa Camarines Norte ay patunay lamang na ang dating pamamaraan ng mga sindikato ng droga ay hindi pa rin nagbabago. Ang mga COASTAL TOWN sa bansa pa rin ang bagsakan ng mga droga, at KONTROLADO ito ng pulitiko sa lugar at PROTEKTADO ng mga pulis!
Aktibong police reporter ako noong dekada 90 nang mapag-alaman ko ang ganitong operasyon mula sa isang dating rebeldeng NPA na nagbalik-loob at tumakbong alkalde sa isang coastal town sa Quezon province, subalit natalo (kahit na sinasabi niyang “sure winner” na siya sa dami raw ng kamag-anak niya sa lugar!) matapos niyang tumangging magpaubaya na lang sa kandidato ng isang “powerful politician” sa kanilang lalawigan. Tinanggihan niya raw ang P20milyon kapalit ng pag-urong sa kandidatura – kaya ginamit ng pulitiko ang buong puwersa nito upang maipanalo ang “manok” niya. Napag-alaman ng dating NPA, na kaya pala todo ang kagustuhan ng pulitikong manalo ang “bata” niya sa naturang coastal town, ay para makontrol nito ang pagpasok ng droga sa naturang lugar, na ibinababa mula sa barkong galing sa Tsina at bantay-sarado naman ng mga patong na pulis sa naturang lugar. Mga pulitiko at pulis pa rin ang may kontrol sa droga!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]