Ni Genalyn D. Kabiling
Determinado ang administrasyon na magdoble kayod sa pagtatrabaho para mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino at hindi magpapaapekto sa ingay sa politika, sinabi ng Malacañang kahapon.
Muling idiiin ni Presidential Spokesman Harry Roque ang pangako ng gobyerno sa public service matapos bumaba ang public satisfaction ng Cabinet ni Pangulong Rodrigo Duterte sa first quarter ng taon batay sa mga resulta ng huling Social Weather Stations (SWS) survey.
Binanggit ni Roque na maraming ahensiya ng gobyerno ang nakagawa ng “significant strides” sa kanilang mga larangan at nanatiling pursigidong magsumikap pa.
“We shall therefore work double time in highlighting policies and programs of the current administration that have the most impact to the lives of our countrymen,” aniya.
Sa survey na isinagawa noong Marso, bumaba ang net satisfaction rating ng Cabinet ng Pangulo sa +28 katumbas ng “moderate,” mula sa +38 o “good” na naitala noong Disyembre. Sinabi ng pollster na ang net satisfaction ng Gabinete ay pinakamababang natanggap nito simula nang makuha ang +22 o moderate rating noong Abril 2016.
“We take note of the latest Social Weather Stations survey showing a +28 net satisfaction rating, which the polling firm classified as ‘moderate,’” ani Roque.