Ni Clemen Bautista
KASABAY lagi ng pagsapit ng tag-araw ang hatid na init at alinsangan. Kahit malakas ang simoy ng Amihan, nararamdaman pa rin ng marami nating kababayan ang init na kumakagat sa balat. Ang init na parang hininga ng isang nilalagnat. At sa pagsapit ng tag-araw, upang maibsan ang nadaramang alinsangan, ang solusyon at lunas dito ng marami ay ang paliligo.S a madaling-araw, umaga o sa gabi bago matulog upang presko ang pakiramdam habang natutulog. Sa mga tamad maligo, todo-bukas ng mga electric fan. Sa mga masalapi na may pambayad sa kuryente, magdamag na bukas naman ang kanilang aircon sa kuwarto. Masarap ang kanilang pagtulog. May namamaluktot pa sa lamig ng aircon.
Sa iba nating kababayan, ang pagtakas sa init at alinsangan na hatid ng tag-araw ay ang pagpunta sa mga sa mga resort, tabing-dagat o paanan ng mga bundok na may batis na malakas ang agos ng malamig na tubig ay naiipon sa isang swimming pool. Dito na maglulunoy at magbababad sa tubig ang naiinitan nating mga kababayan. Nalilibang at nakapagre-relaks.
Sa Laguna, ang tubig sa swimming sa mga resort ay karaniwang nagmumula sa bundok ng Sierra Madre. At ang madalas puntahan dito ng ating mga kababayan sa panahon ng tag-araw ay ang Turumba swimming pool sa Pakil, Laguna. Madalas din puntahan ang isang resort sa Mabitac, Laguna. Natural flow ang pag-agos ng tubig dito na nagmumula sa bundok. Malamig at walang chlorine ang tubig. Kaya, halos ayaw umahon ang mga bata, matanda, dalaga at binata na naglulunoy at nagbababad sa tubig.
Sa lalawigan ng Rizal, karaniwan na madalas puntahan kung tag-araw upang maibsan at takasan ang init at alinsangan ay ang matulaing “Daranak Falls” na nasa bundok ng Tanay, Rizal. Tag-araw man o tag-ulan, hindi nagbabago ang malakas na agos at bagsak ng malamig at malinaw na tubig sa talon na nagmmumula sa kabundukan ng Tanay at sa Kaliwa dam watershed. May 25 talampakan ang taas ng Daranak Falls. Ang lawak na binabagsakan ng tubig ay 40 metro. Malalim ang tubig.
Ang pangalan ng Daranak Falls ay sinasabing hango sa mga salitang DAANAN NG TIYANAK na noong araw ay kinatatakutang daanan ng mga tao. May nagsasabi naman na hango ang pangalan ng Daranak Falls sa mga salitang DADANAK ANG PAWIS sapagkat bago ka sumapit o makarating sa Daranak Fallls ay talagang dadanak o papawisan ka nang todo dahil mahirap ang pagpunta sa talon sapagkat magubat.
Ang Daranak Falls ay madalas na location o lugar ng shooting ng mga pelikula at mga tv commercial. May eksenang nagsusuntukan ang bida at kontrabida sa ibaba ng falls na nababagsakan ng tubig. May eksena rin ng kissing scene o halikan ng bidang babae at lalake habang nasa tubi. Background ang bagsak at malakas na lagaslas ng tubig ng Daranak Falls.
Mahigpit ang ginagawang pangangalaga sa Daranak Falls ng pamahalaang bayan ng Tanay sapagkat isa nang tourist destination sa Rizal. Bawal ang pagdadala ng alak at paninigarilyo. Bawal din ang mga plastik. May bayad na ang pagpasok sa Daranak Falls. Sa palibot nito’y may itinayo nang mga cottages para sa 12 hanggang 15 katao o ng isang pamilya.
Ang Hinulugang Taktak sa Lungsod ng Antipolo ay isa pa sa tourist destination sa Rizal na dinarayo at pinupuntahan ng ating mga kababayan. Hindi lamang kung tag-araw kundi sa buong buwan ng Mayo na pagdiriwang ng Maytime Festival ng Antipolo. Sa pangunguna ni Antipolo City Mayor Jun Ynares ay may inihandang iba’t ibang activity o gawain.
Sa paglulunsad ng Ynares Eco System (YES) To Green Program ng pamahalaang panlalawigan at flagship project ni Gob. Nini Ynares, kasama ang Hinulugang Taktak sa pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan. At batay sa Proclamation 412, ipinahayag na ang Hinulugang Taktak ay nasa kategorya na ng Protected Landscape upang matiyak ang proteksiyon, patuloy na pagpapaunlad at rehabilitasyon ng nasabing lugar
Bawat lalawigan sa ating bansa ay may tourist destination na pinupuntahan ng mga lokal at dayuhang turista. Mga pook na maipagmamalaki at nagiging identity o pagkakakilanlan ng isang bayan at lalawigan. Sa paglipas at muling pagsapit ng tag-araw ay hindi ito nakalilimutang puntahan ng mga turista, na nag-iiwan ng iba’t ibang alalala at mga gunita.