Ni Bella Gamotea

Arestado ang dalawang binata matapos mahuling umiihi sa pampublikong lugar at makumpiskahan ng umano’y shabu at drug paraphernalia sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.

Nakakulong ngayon sa Pasay City Police ang mga suspek na sina Jomar Mamaril y Lopez, 27, ng E. Rodriguez Street, Barangay 4, Zone 2; at Kevin Ogaya y San Jose, 27, ng 1847 E. Rodriguez St., Bgy. 4, Zone 2 ng nasabing lungsod.

Sa ulat ni Southern Police District (SPD) spokesperson, Supt. Jenny Tecson, naganap ang insidente sa panulukan ng F.B. Harrison at E. Rodriguez Sts., dakong 4:00 ng madaling araw.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nagpapatrulya sina PO1s Adel Ryan Espinas, Dennis Suyu at Benigno Aquino sa lugar nang madatnan umiihi ang mga suspek sa madilim na bahagi at sinita ang mga ito.

Kapwa kinapkapan sina Mamaril at Ogaya at narekober ang isang pakete ng hinihinalang shabu, isang aluminum foil, isang lighter at isa pang aluminum foil na ginamit bilang tooter.

Idiniretso ang mga suspek sa tanggapan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pasay City Police at sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165) at City Ordinance No. 1572 (Urinating in Public Places) sa Pasay Prosecutor’s Office.