Ni Mary Ann Santiago

Nagsagawa kahapon ng umaga ng mock elections ang Commission on Elections (Comelec) sa isang paaralan sa Tondo, Maynila, para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) polls sa susunod na buwan.

Isinagawa ang mock polls sa Rosauro Almario Elementary School sa Kagitingan Street, Tondo, simula 7:00 ng umaga hanggang 10:00 ng umaga, sa clustered precincts 63 at 64.

Tinatayang nasa 100 botante ang nakilahok, kabilang na ang kabataan, at maging ang mga senior citizen.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa ilalim ng simulation, ang mga botante edad 15- 17 ay binigyan ng balota para sa SK polls, habang ang mga nasa 18-30-anyos ay pinayagang makaboto sa SK at barangay polls.

Ang mga botanteng 31 taong gulang pataas ay binigyan lamang ng balota para sa halalang pambarangay.

Dakong 10:00 ng umaga ay isinara na ang botohan at sinimulan ang pagbibilang at canvassing ng mga boto, na sinundan ng proklamasyon ng mga nanalo.

Layunin ng simulation na makita ang magiging sitwasyon sa mismong araw ng halalan, gayundin ay masubok ang kahandaan ng mga Electoral Boards at Barangay Board of Canvassers (BBOC) sa pagtupad sa kani-kanilang tungkulin.

Sa pamamagitan din nito, matutukoy ng Comelec ang mga posibleng magiging problema at kalituhan sa araw ng halalan at agad itong masosolusyunan.

Kaugnay nito, natapos na kahapon, 5:00 ng hapon, ang paghahain ng kandidatura.