Ni Clemen Bautista
NATAPOS na nitong Abril 20 ang paghahain o pagpa-file sa Commission on Elections ng certificate of candidacy (COC) ng mga kandidato sa pagka-chairman o kapitan ng barangay at mga kagawad ng barangay. Kabilang sa mga naghain ng COC ang mga imcumbent na barangay chairman na puwede pang manungkulan ng tatlong taon. Kasabay ring naghain ng COC ang mga kandidato sa pagka-chairman at mga kagawad ng Sangguniang Kabataan (SK). Ang magkasabay na Barangay at SK elections ay gagawin sa darating na ika-14 ng Mayo, 2018.
Sa paghahain ng COC, ang ibang mga wannabe ay sinamahan pa ng kani-kanilang mga supporter. Naka-t-shirt na nakasulat ang pangalan ng kandidatong barangay chairman at mga kagawad. Gayundin ang mga SK wannabe. May naging maayos ang paghahain ng COC. May hindi rin naiwasan na maging siksikan at magulo. Nalantad sa mata ng ating mga kababayan ang mga babae at lalake sa barangay na nais maging barangay chairman at mga kagawad. May apat hanggang limang kandidato sa mga barangay na malaki ang income, maraming business establishment at pabrika. May mga barangay din na walang lumaban sa incumbent na barangay chairman na mahusay mamahala. Aksaya sa pera at panahon lamang ang paglaban.
May sampung araw lamang ang panahon ng kampanya ng mga kandidato sa Barangay at SK elections sa darating na ika-14 ng Mayo. At sa panahon ng kampanya, ang political campaign ng mga kandidato sa barangay ay hindi naiiba sa istilo at paraan ng mga sirkero at payaso sa pulitika na lihim na sumusuporta sa mga kandidato sa barangay. Kahit sinasabing non-political party ang Barangay at SK elections. Ang dahilan: Ang mga opisyal ng barangay ang magdadala o tutulong sa pagkandidato ng mga sirkero at payaso sa pulitika sa mid-term election sa Mayo 2019.
Sa kampanya ng mga kandidato sa barangay, asahan na ang pamumulaklak ng makukulay na tarpulin at poster ng mga kandidato. Nakasabit sa mga istratehikong lugar sa barangay. May nakasabit din sa likod ng mga traysikel. At sa mga barangay na mahigpit ang labanan ng mga kandidato, hindi maiwasan na may batikusan. At sa mga supporter at kandidatong mainit ang ulo at nawawala ang hinahon at katinuan, asahan na may magaganap na karahasan.
Ayon sa kasaysyan, sa panahon ng pananakop ng mga Kastila, ang mga namuno sa barangay ay tinatawag na CABESA DE BARANGAY. Sila ang kinikilalang ama at lider sa barangay ng kanilang nasasakupan. Mababanggit na halimbawa si KABESANG TALES sa nobelang “El Filibusterismo” ng ating pambansang bayaning si Dr.Jose Rizal. At bago napagtibay ang batas tungkol sa barangay, ang namumuno ay kilala sa tawag na Tininte del Barrio. Wala silang suweldo at gratis o libre ang kanilang serbisyo.
Sa ngayon, ang barangay ay itinuturing na basic unit ng pamahalaan. Ang mga barangay chairman ang unang nakababatid ng mga problema sa barangay. Sa kalusugan, sa kalinisan, pangangalaga sa kapaligiran, kaayusan at katahimikan, waste management at illegal drugs.
Maging sa umbagan, batuhan ng pinggan, baso, kutsara at almires ng mag-asawa, ang kapitan ng barangay ang umaawat at namamagitan. Pinagkakasundo. Ang kapitan ng barangay din ang lumalapit sa kanilang governor, mayor at congressman upang makakuha ng mehora o proyekto para sa kabutihan ng barangay. Sa sipag, tiyaga at pagkakaroon ng sistema sa pamamahala ng barangay chairman, ang barangay ay mahusay na napaglilingkuran.
Bilang isang basic unit ng pamahalaan, tuwing ikatlong taon ay nagkakaroon ng halalan. Kasabay ang halalan ng Sangguniang Kabataan. Ang magkasabay na halalan ng SK at Barangay ay salamin ng demokrsya. Marapat lamang na ito’y maging maayos at walang gulo.A t ang ihahalal na mga barangay at SK chairman at mga kagawad ay matino, matalino, maaasahan, matapat at nasa puso ang gagawing paglilingkod.