TAMA lang ang pagsasailalim sa National Food Authority (NFA), sa Philippine Coconut Authority (PCA), at sa Fertilizer and Pesticides Authority (FPA) sa Department of Agriculture (DA), partikular sa usapin ng pangangasiwa sa nasabing mga ahensiya. Ang lahat ng ito ay may kaugnayan sa agrikultura at dapat na masusing nakikipagtulungan sa DA, regular na nakikipag-ugayan sa kagawaran tungkol sa plano at proyekto ng kani-kanilang ahensiya.
Sa kung anumang dahilan, isinailalim sa Office of the President ang mga nasabing ahensiya sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III. Pinamunuan ang mga ito ng mga opisyal na malapit sa pangulo.
Subalit pinangasiwaan ang nasabing mga ahensiya nang halos walang pakikipag-ugnayan sa DA, ang pangunahing kagawaran ng pamahalaan na sumasaklaw sa kabuuan ng produksiyong agrikultural sa bansa.
Noong nakaraang buwan, nabunyag ang kawalang koordinasyon ng NFA sa DA nang ihayag ng pamunuan ng una na hindi na aabutin ng isang araw ang imbak ng bigas na inangkat nito mula sa Thailand at Vietnam, na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng agarang pag-aangkat. Ibinebenta ang NFA rice sa murang halaga kumpara sa commercial rice na nagmumula sa mga palayan sa bansa, para na rin sa kapakinabangan ng mahihirap na Pilipino. Nanawagan ang DA sa NFA na bilhin ang mga pangangailangan nito sa mga lokal na magsasaka sa halip na umasa na lamang sa pag-aangkat sa ibang bansa.
Kaagad na pinahintulutan ni Pangulong Duterte ang agarang pag-aangkat ng bigas dahil sa matinding pangangailangan.
Subalit tinanggal din niya sa puwesto si Cabinet Secretary Leoncio Evasco Jr. bilang chairman ng NFA Council at isinailalim ang NFA sa DA, kasama ang PCA at FPA. Iginiit naman ni Secretary Evasco na walang katiwalian—walang anumang iregularidad—na sangkot sa nasabing insidente. Nagpasya lamang ang Pangulo na pag-ugnayin ang operasyon ng iba’t ibang tanggapang agrikultural sa bansa.
Maaari rin namang ang balasahan ay tumutukoy sa una nang inihayag ni Agriculture Secretary Manny Piñol na sumisigla na ang agrikultura sa bansa at nasa punto na tayo na sapat na ang lokal na supply para sa malaking bahagi ng pangangailangan sa bigas ng mga Pilipino. Matagal nang pinaglaanan ang NFA ng malaking budget na ginamit ng mga opisyal nito sa pakikipagnegosasyon sa mga rice producer at mga opisyal ng pamahalaan ng Thailand at Vietnam. Sinabi ni Piñol na dapat na higit na pinagtutuunan ng NFA ang pagbili ng imbak nitong bigas sa mga lokal na magsasaka.
Ang ginawang pagbalasa kamakailan ni Pangulong Duterte ay maaaring hudyat na ng pagbabago sa polisiya ng gobyerno sa bigas para higit na suportahan ang mga magsasakang Pinoy. Itinala ng bansa ang pinakamarami nitong ani ng bigas sa 19.28 milyong metriko tonelada noong nakaraang taon, at madadagdagan pa ito ng 600,000 tonelada ngayong taon, ayon kay Secretary Piñol. Sa susunod na taon, aniya, magsu-supply na ang mga lokal na magsasaka ng hanggang 96 na porsiyento ng kabuuang pangangailangan sa bigas ng bansa.
Ngayon nasa ilalim na ng DA ang NFA, garantisado na ang masusing ugnayan para sa pangkalahatang programa sa bigas ng bansa. Aangkat pa rin sa mga panahon ng emergency dulot ng tagtuyot o baha o pananalasa ng bagyo, subalit ang pangkalahatang target ay ang matulungan ang ating mga magsasaka sa pagkakaroon ng mas mabuting uri ng palay, paggamit ng makina sa pagtatanim, libreng irigasyon, sapat na ayudang pinansiyal, at tulong sa pagtutulak ng produkto sa merkado. Kung magtatagumpay at magpapatuloy ang mga pagpupursigeng ito, hindi imposible na balang araw, tulad ng Thailand at Vietnam, ay makapagluwas pa tayo ng bigas sa ibang bansa.