NCR PA RIN!
Ni Annie Abad
VIGAN, ILOCOS SUR (via STI) -- Ikinasiya ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William Ramirez ang naging resulta ng pagsasagawa ng ika-61 edisyon ng Palarong Pambansa sa President Elpidio Quirino Stadium dito.
Sa kabuuan, nakapagtala ng 40 National Palarong Pambansa records ang mga atletang estudyante, sapat para maging kumbinsido si Ramirez na magiging matibay ang pundasyon ng Philippine Sports sa mga bagong atleta na papasok upang magbigay karangalan sa bansa sa mga international competitions.
“With so many records falling one after the other, we are all convinced that we are seeing the dawn of a new renaissance in Philippine sports. It shows that our youth have grown faster, tougher and stronger. These bid well for the future of sports in the country as it paints a hopeful picture of a greener athletic landscape,” pahayag ni Ramirez.
“We recognize that this development is a product of the joint efforts of local government units, the DepEd and the families and athletes involved. Your PSC shall exert all possible efforts to sustain this momentum. Together, we shall continue along this direction until we establish a solid grassroots foundation in the country,” aniya.
Kabilang sa mga national records na winalis ng mga batang atleta ay buhat sa tatlong prominenteng sports discipline. Labing siyam na lumang rekord sa Swimming ang nabura, habang labing anim sa Athletics at lima naman sa Archery.
Sa iba pang resulta ng laro, binalikat ni Kier Napolitano ang panalo ng National Capital Region (NCR) upang ungusan ang SOCCSKSARGEN sa 1-0 panalo para sa secondary boys football at kunin ang gintong medalya.
Umiskor ng kaisa isang goal si Napotilano upang ibigay ang panalo sa NCR at biguin ang kanyang dating koponan kung saan tinaghal siyang Most valuable Player.
Sa baseball, pinataob din ng koponan ng NCR ang MIMAROPA region upang kunin ang ginto sa kanilang 7-1 panalo.
Dahil dito, muling pinatunayan ng National Capital Region (NCR) ang kanilang bangis matapos na pagharian ang paghakot ng gintong medalya dito.
Humakot ng kabuuang 100 gintong medalya ang NCR, kasama ang 70 silvers at 50 bronze medals na siyang naglagay sa kanila sa unang puwesto at madepensahan ang kanilang titulo sa medal standings ng nasabing annual meet.
Kasunod ng NCR ang CALABARZON sa ikalawang puwesto sa medal standings na nag uwi ng 55 na gintong medalya, 50 silver at 73 bronze medalya, habang nasa ikatlong ang Western Visayas Region na may 46-45-55 (GSB), ikaapat na puwesto ang Central Visayas Region na may 26-25-36 (GSB) at ikalima ang Cordillera Region na may 25-22-23 (GSB).