Ni Mary Ann Santiago

Pinaalalahanan kahapon ng Department of Education (DepEd) ang publiko kaugnay ng pagtatapos ng deadline sa paghahain ng aplikasyon para sa Senior High School (SHS) Voucher Program ng pamahalaan.

Sa pahayag ng DepEd, hanggang Abril 27 na lang makapag-a-apply ang mga nagsipagtapos ng junior high school para sa SHS Voucher Program.

Nitong Abril 2, muling binuksan ng DepEd ang aplikasyon para sa programa, sa pakikipagtulungan na rin ng Private Education Assistance Committee (PEAC).

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Sa isang memorandum na may petsang Marso 28, layunin ng reopening ng aplikasyon na mas maraming Grade 10 completers ang makapag-avail ng SHS Voucher Program para sa School Year 2018-2019, at mabigyan ng opsiyon ang mga ito na makapag-enroll sa mga pribadong paaralan, state universities and colleges (SUCs), at local universities and colleges (LUCs), kabilang na ang technical at vocational schools na nag-aalok ng SHS Program.

Paalala naman ng DepEd, ang lahat ng aplikasyon ngayong Abril ay dapat na gawin online, sa pag-access sa Online Voucher Application Program (OVAP) ng PEAC na http://ovap.deped.gov.ph .