Ni Bella Gamotea

Nasagip ng response team ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang 26 na Pinay household service worker (HSW) na pinagmalupitan ng kanilang employer sa Kuwait, sa nakalipas na dalawang linggo.

Sa tala ng DFA, nabawasan sa 132 ang 200 Pinay HSW na nagpasaklolo sa kagawaran sa nakalipas na mga linggo.

Sinabi ni DFA Assistant Secretary Elmer Cato na nagpapatuloy ang pinaigting na hakbangin ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait upang tuntunin at iligtas ang mga Pinay HSW na dumaranas ng pang-aabuso o pagmamaltrato ng kanilang amo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“The Philippine Embassy in Kuwait continues to intensify its efforts to locate and rescue distressed Filipina household workers and has even gone as far as knocking on doors just to find them,” ani Cato.

Aniya, pinupuntahan ng rescue team ang address na ibinigay ng mga nagpapasaklolong OFW, at sinasabihan ang employer na i-turn over sa kanila ang HSW.

Magtutungo sa Kuwait si Pangulong Duterte kasama ang ilang opisyal ng pamahalaan upang saksihan ang paglagda sa memorandum of understanding (MOU), na titiyak sa proteksiyon ng lahat ng Pilipino sa naturang bansa.

Una nang inihayag ni DFA Secretary Alan Peter Cayetano na maaaring gawin ang paglagda sa MOU sa susunod na buwan.

Matatandaang ipinag-utos ni Duterte ang total deployment ban sa Kuwait kasunod ng pagpatay sa HSW na si Joanna Demafelis ng kanyang mga amo.