Ni Bella Gamotea
Dumating sa bansa kagabi ang 113 overseas Filipino worker (OFW) na hindi pinalad sa Kuwait, iniulat ng Manila International Airport Authority (MIAA).
Sa pahayag ng MIAA kahapon, inasahan ang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA)-Terminal 1, dakong 10:50 ng gabi kahapon, ng 113 OFW sakay sa Philippine Airline flight PR 669.
Sinalubong ang mga OFW ng mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), para alalayan sa pagpoproseso ng kanilang dokumento sa immigration office.
Tatanggap ang nagsiuwing OFW ng cash assistance at maaari ring mag-avail ng livelihood program, na iniaalok ng pamahalaan.
Sinabi pa ng MIAA na nakatakda ring umuwi sa bansa ang 200 pang OFW mula sa Kuwait bukas, Abril 23, bandang 6:30 ng umaga, sakay sa Qatar Airways flight QR 934.
Kasabay nito, patuloy na inaalam ng DFA ang mga hindi dokumentadong Pilipino sa Kuwait dahil sisimulan na ng gobyerno ng Kuwait ang crackdown laban sa mga illegal immigrant sa kanilang bansa.
Hanggang ngayong Abril 22 na lang ang deadline ng amnesty program na ipinagkaloob ng gobyerno ng Kuwait sa mga illegal immigrant doon.
Ayon kay DFA Assistant Secretary Elmer Cato, na nasa Kuwait ngayon, umabot sa 4,933 Pinoy ang naka-avail ng amnestiya, wala pa rito ang mahigit 400 nagsisiuwian sa bansa ngayon.
Sa inisyal na datos ng DFA, may 10,800 undocumented Filipino sa Kuwait.