Ni Genalyn Kabiling

Iniunsad na ng pamahalaan ang “Tokhang Laban sa Cabo”, ang pinaigting na kampanya laban sa mga kumpanyang nangongontrata lamang sa kanilang manggagawa.

Ito ay nang bigyan ni Pangulong Duterte si Department of Labor and Employment (DoLE) Secretary Silvestre Bello III ng 30 araw upang magsumite sa kanya ng imbentaryo ng mga kumpanyang sangkot sa ilegal na short-term employment.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang direktiba ng Pangulo kay Bello ay bunsod na rin ng paniniyak ng Punong Ehekutibo na hindi na siya magpapalabas ng executive order laban sa end-of-contract scheme o “endo” at ipinaubaya na lamang ang usapin sa Kongreso.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Itong 30 days na ito it’s not just for the list, it’s to tell them to comply otherwise isasara kayo ni Presidente. Talagang magkakarooon ng tokhang sa mga kompanya, iisa-isahin sila.Tokhang laban sa cabo ito,” pagbabanta ni Roque.

Ang Oplan Tokhang ay ang house-to-house operation ng pulisya upang kumbinsihin ang mga drug suspect na itigil na ang kanilang ilegal na gawain at sumailalim sa rehabilitasyon.

Binigyang-di in ni Roque na ang labor-only contracting at pangongontrata sa isang tao na magsu-supply ng mga trabahador sa isang kumpanya, ay kabilang sa mga ipinagbabawal na labor code ng bansa.