Ni REGGEE BONOAN
NASAKSIHAN namin ang enrollees ng mga gustong magpaturo ng sayaw sa bagong dance studio ni Teacher Georcelle Dapat-Sy sa G Force Dance Studio sa Festival Mall, Alabang nitong Linggo, Abril 15, na talagang ang haba ng pila na mula 3 – 16 years old na may mga kasamang magulang.
Nagtanong kami sa magulang na talagang gustung-gusto rin niyang isama sa G-Force ang anak.
“Wala naman silang gagawin ngayong summer, e, di might as well i-enrol na muna sila dito to keep them busy at saka ito na ang gusto ng mga anak ko dancing kasi sa school nila kasama sila sa programs,” kuwento ng nanay na ayaw ipabanggit ang pangalan.
Mabuti na lang daw at nagbukas ng G Force dance studio sa Festival Mall para mas malapit sa lugar nila sa Cavite na talagang dumayo pa.
Ito rin naman ang dahilan ng mag-asawang Georcelle at Angel Sy na magtayo ng bagong studio para sa mga taga-South dahil nga masyadong malayo ang Quezon City sa kanila.
Naka-plano na ring magtayo sa Lucena, Pangasinan, Isabela, Cebu at Southern Leyte para naman sa mga taga-probinsya na hindi na kayang lumuwas ng Manila.
In fairness mura naman ang singil ni Teacher Georcelle dahil P6,500 para sa mga batang edad 3-6 years old para sa 10 sessions at P8,500 naman para sa 7 years up at 10 sessions din na siniguradong marunong ng sumayaw ‘pag natapos nila ang sessions at kung gusto pang magpatuloy ay puwede rin para sa advance classes.
At para sa additional informations ay maaring i-download ang mobile applications na G-FORCEDANCECENTER o kaya i-follow sila sa Facebook, Twitter at Instagram na @gforce_official/@gforcedancenter.
Paliwanag ni Teacher Georcelle, “Hindi naman lahat ay natural marunong sumayaw, ngunit sa tamang determinasyon ay maaari itong matutunan. But, you know, when you are committed and alam mo ‘yung pinasok mo.
“Mas mahirap turuan ang mga walang commitment. Kasi may mga magaling sumayaw, pero ayaw makinig. We don’t want that kasi hindi ka lang nagtuturo, nagdidisiplina ka.”
Tinanong namin kung sino sa mga artistang sinukuan na niyang turuan dahil napansin niyang hindi na seryoso.
Tumawa ang dance guru sabay sabing, “baka si Piolo (Pascual) ‘yung gumive-up na, kasi dati sumasayaw naman siya, e.”
Hirit namin kung nagpaturo rin sa kanya ang anak ni Piolo na si Inigo Pascual.
“Magaling siya kumuha ng choreography. From what I know, sa States pa lang, he was taking classes na.
“Masipag siya (Inigo). Tatawag siya for private classes, one-on-one session, masipag siya. Nakakaaliw ‘yan, si Inigo.
“What I really appreciate about Inigo is nahanap niya yung talagang sarili niyang niche,” papuri ni teacher Georcelle sa binatilyo.
Nabanggit ng celebrity dance teacher ang mga pangalan nina Sarah Geronimo, Maja Salvador, Yassi Pressman at Enrique Gil sa mga magagaling sumayaw.
“Ini-introduce na natin si Yassi ngayon. It’s nice to see them together. Magkaiba sila, eh. When Maja started, it’s also different. Nakita ko ang growth niya. So let’s give Yassi a chance,” saad ni teacher Georcelle.
Pero sa tanong kung sino ang Queen of Dance Floor ay, “si Maja pa rin.”
Kasama rin ang mga pangalan nina Gary Valenciano, Billy Crawford at Vina Morales sa binanggit ng dance guru sa mahuhusay sumayaw din.
“Alam mo ‘yun, ang dami-dami, nasa istilo talaga ng pagsasayaw. I mean, it’s hard for me to say ‘who’s your top three’ among G-Force when all of them are really good, but they all have different offers,” sabi pa.
Nabanggit din ang pangalan ng anak ni Mark Anthony Fernandez na si Grae Fernandez.
“Si Grae, anak ni Mark Anthony Fernandez, is not a natural dancer. In fact, challenged talaga when you give him choreography, but he’s very responsible, very responsible.
“Kapag nagkamali ‘yan sa rehearsal, konting ganyan lang, alam niyang nagkamali siya, maya-maya aayusin niya at ipa-polish niya.
“Alam niya na, ‘Mali ako, kailangan kong trabahuhin ito, kailangan kong ayusin.’ He doesn’t wanna mess up on stage and that’s a good attitude.”
“The others, parang they know that they can wing it when they step on stage because you know you’ll hear all the scream, and then wala na. Yun ang mahirap. I love the determination of Grae,” kuwento ng dance guru.
Samantala, ang daming achievements ng G-Force kaya tinanong namin kung ano naman ang pangarap pa niya bukod sa mga naitayo at itatayong dance studios iba’t ibang parte ng Pilipinas.
Napangiti si Teacher Georcelle, “Maging totoo ang G village. Ang mga dancers kasi, at the age of 30 iba na ang kasu-kasuan namin. At the age of 30, 35, if look good ka pa rin, go, puwede pa. Pero kung 40, you’re done on TV.
“Pero saan mo dadalhin ang mga dancers? Ang dream ko talaga ay ang G Village, na kung saan puwede magsama-sama ang lahat.”
Oo nga dahil mga millennial ang miyembro ng G Force ay hindi pa raw seryoso sa buhay kaya kapag natanggap na ang kinita ay iniisip na bibili ng bagong gadgets o kung anu-ano pa.
“Gusto ko silang matuto habang bata pa, mag-ipon habang malakas pang kumita,” sabi pa.
Kasama na rin sa mga nagtuturo ng G-Force ang dalawang anak niyang sina BJ at Jaja para sa kids at sila rin ang bumubuo ng sarili nilang dance choreography.