NAGKAROON ng bahagya ngunit kapansin-pansing pagbuti sa daloy ng trapiko sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Ave.(EDSA) kamakailan, ito ay maaaring dulot ng kampanya na maalis ang mga ‘colorum’ na bus sa kalsada. Nagdesisyon din ang pamahalaan na tuluyan nang tanggalin ang mga lumang jeep at palitan ito ng mas bagong bersiyon na may murang makina.
Nariyan din ang katanggap-tanggap na pagbuti sa operasyon ng Metro Rail Transit, na mayroon nang 15-17 tren na tumatakbo kada araw mula nang bumaba ito sa dating 8 tren. Tila nahawaan naman ng bagong enerhiya at determinasyon ang Metro Manila Development Authority traffic enforcers ni MMDA Chairman Danny Lim sa pagpapatupad nito ng batas trapiko nang simulan ng MMDA ang palilinis sa mga gilid ng daan na dating nahaharangan ng mga ilegal na konstruksiyon at pagparada.
Maraming aksiyon at desisyon na ang naiambag upang mapaluwag ang trapiko sa Metro Manila at ngayon ay hinaharap natin ang parating na mas maraming pagsasaayos dulot ng mga proyektong pampubliko- ang mga luma nang proyekto na tila buwan at taong napabayaan at ang mga bagong sinimulan ng administrasyon.
Sa isang press briefing nitong Lunes, inanunsiyo ni Secretary Mark Villar, ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na matatapos na sa 2020 ang proyektong North Luzon-South Luzon expressways Connection Road at ang Skyway Stage 3. Habang ngayong taon naman inaasahang matatapos ang Laguna Lake Highway at Harbor Lingk Segment 10.
Magsisimula rin ngayong taon ang mga proyekto sa ilalim ng programang “Build, Build, Build” tulad ng 12 tulay sa kahabaan ng Pasig River, ang C-6, at ang bypass road para sa EDSA. “There are many other projects in the coming years, and every year, there will be an improvement, especially in 2020,” pahayag ng Kalihim.
Ayon kay Villar, ang lahat ng regional directors ng DPWH ay inatasan na alamin ang pinakamasisikip na kalsada sa bansa upang pag-aralan kung paano ito mabibigyan ng solusyon. Bagamat may kanya-kanyang dahilan ang problema sa masikip na kalsada sa iba’t ibang lugar, maaari umanong makatulong ang DPWH upang malutas ito.
Samantala, may inisiyatibo rin sa Metro Manila na gamitin ang Pasig River bilang pangunahing ruta ng transportasyon mula Laguna de Bay patungong Manila Bay. Ang proyektong ito, na nakatalaga sa sampung ahensiya na binuo ni Secretary Benjamin Diokno ng Department of Budget and Management, ay magkakaroon ng sistemang 24 air-conditioned ferryboats at 29 na istasyon na madadaanan ng ruta.
Ang problema ng traffic sa EDSA ay matagal na nating nararanasan at magandang malaman na maraming ahensiya at opisyal ang nakatutok dito. Isa itong problema na lubos na nakaaapekto sa milyong tao na naninirahan at nagtatrabaho sa Metro Manila.Hindi kailangan sabihin sa kanila kung kailan ito malulutas. Malalaman nila ito.