Ni Clemen Bautista
SAMPUNG araw na lamang ang hihintayin at matatapos na ang maalinsangan at mainit na buwan ng Abril. Kasunod na nito ang Mayo Uno o unang araw ng Mayo. Ipagdiriwang ang ‘Labor Day’, na iniuukol sa parangal, pagkilala at pagpapahalaga sa mga manggagawa kasabay ng selebrasyon ng kapistahan ni San Jose, ang patron saint ng mga manggagawa. Ang mga manggagawa, ang sektor ng ating lipunan na kabalikat sa pag-unlad ng industriya at ng bansa ngunit patuloy na kulang sa tangkilik at kalinga ng pamahalaan.
Sinasabi rin, at isang katotohanan, na ang mga manggagawa ay nakapag-ambag sa pagsulong ng ekonomiya ng Pilipinas. Isahan man o sa magkakasamang pagkilos. Sa pagbabanat ng mga buto at tulo ng pawis, nagpapatuloy ang takbo ng industriya at ekonomiya. Hindi lamang sa ating bansa natatagpuan ang mga Pilipinong manggagawa, kundi maging sa Middle East, Australia, Canada, America, mga bansa sa Europa at iba pang lupalop ng mundo. Tinatawag silang makabagong bayani na nakatutulong sa ekonomiya ng bansa dahil sa ipinadadala nilang bilyong dolyar na bunga ng kanilang mga pagsisikap at punyagi kahit tinitiis ang pangungulila sa pamilya.
Nakalulungkot lamang na kahit nasa Pilipinas ang pinakamagaling na batas sa paggawa—ang LABOR CODE—na huwaran ng mauunlad na bansa at ng International Labor Organization, at sa atin din matatagpuan ang pinakamilitanteng unyonismo, biktima pa rin ang mga manggagawa ng kawalang-katarungan o inhustsiya. Mababanggit na halimbawa ang “endo” o end-of-contract o contractualization. Karaniwang nangyayari sa mga shopping mall at fast food chain na pag-aari ng mga Taipan o Filipino-Chinese na negosyante. Sa endo, ang mga manggagawa ay limang buwang magtatrabaho at lay off na. Ang mga tusong kapitalista ay kumukuha ng bagong mga manggagawa na magiging biktima rin ng endo matapos ang limang buwang trabaho.
Sa endo, ang mga kapitalista ng mga shopping mall at mga fast food chain ay ligtas sa mga benepisyong dapat ibigay sa mga manggagawa. Walang sickness benefit, pagbabayad ng premium sa Social Security System (SSS). Walang nagiging permanenteng manggagawa. Ang endo ay matagal nang nangyayari sa nakalipas na mga rehimen. Patuloy itong parusa sa mga manggagawa. Ang mga sirkero at payaso naman sa Kongreso ay walang mga gulugod at lakas ng loob na susugan o i-repeal o ipawalang bisa ang contractualization. Nangungupete, kumbaga sa manok, sa mga tusong kapitalistang may-ari ng mga shopping mall at fast food chain. May nagsasabi tuloy na baka hindi na mabigyan ng campaign fund kapag tumakbo uli sa eleksiyon kapag nagharap ng panukalang batas na magpapawalang bisa sa endo.
Sa panahon ng kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte, isa sa kanyang pangako kapag naging pangulo ay wawakasan ang endo. Palakpak at naniwala ang ating mga kababayan. Ngunit magdadalawang taon na siya sa panunungkulan, patuloy na naghihirap ang mga manggagawa sa endo.
Ayon kay dating Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevara, DoJ secretary na ngayon, hindi malulutas ng paglagda ni Pangulong Duterte sa isang Executive Order (EO) ang isyu ng endo. Pinag-aralan na ng Office of the Executive Secretary ang EO, ngunit ang problema ay hindi ito malulutas ng simpleng EO lamang. Ayon pa kay Secretary Guevara: “The main problem there is ‘yung mga gustong mangyari ay something the Executive Department is not empowered to do. Kailangan legislative action talaga sapagkat Labor Code ‘yan. Naroon ang mga provision against contractualization but allowing in some areas”. Kaya, kung nais na ipagbawal ang contractualization, kailangan ang isang batas na sususog o magpapawalang-bisa sa partikular na probisyon ng labor code.
Ayon naman kay DoLE Secretary Silvestre Bello III, may EO na lalagdaan si Pangulong Duterte na nagtatakda ng direct hiring sa mga empleyado, bilang pangkalahatang pamantayan sa trabaho upang tuluyan nang matuldukan ang endo.
Maghihintay ang mga manggagawa sa lalagdaang EO ni Pangulong Duterte, bago sumapit ang Mayo Uno o sa mismong Labor Day. Sa nasabing EO, matuldukan na kaya ang endo?