Ni Argyll Cyrus
Tatalakayin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga isyu na nakaapekto sa kabutihan ng mamamayan sa rehiyon ng Southeast Asian sa 32nd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Singapore sa susunod na linggo.
Makakasama ni Duterte ang siyam pang mga lider na dadalo sa Summit sa Abril 27 hanggang 28. Si Duterte ang dating chairman ng summit bago ipinasa ang ASEAN gavel kay Singapore Prime Minister Lee Hsien Loong nitong nakaraang Nobyembre.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Hellen de la Vega, tatalakayin ni Duterte ang mga isyu “close to his heart”.
“He will work with other leaders in putting an imprint towards the realization of ASEAN Vision 2025 by identifying and prioritizing initiatives that will move forward action lines in the political, security, economic and socio-cultural communities, particularly on the deliverables of our chairmanship last year,” sinabi ni De La Vega sa press briefing sa Malacañang kahapon ng umaga.
Magtatalumpati rin si Duterte sa dalawang mahahalagang okasyon sa Summit, ang working dinner sa susunod na Biyernes, at sa Leaders’ Retreat sa susunod na Sabado.
Inaasam din ni Duterte ang bilateral meeting nila ni Lee. Bukod dito, ayon kay De la Vega, may dalawa pang ASEAN leaders na nais makapulong si Duterte. Gayunman, tumanggi siyang magbigay ng karagdagang impormasyon.