Ni Ellson A. Quismorio at Jeffrey G. Damicog

Tapos na ang laban para kay Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ito ang pahayag ni Makabayan lawmaker Anakpawis Party-List Rep. Ariel Casilao sa naoobserbahang pahiwatig ng SC na pagpapatibay sa quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General (OSG) laban kay Sereno.

“By the looks of it, tsaka yung mga pinakita ng mga kasamahan ni Chief Justice Sereno, luto na yung desisyon eh,” ani Casilao sa mga mamamahayag sa Kamara sa press conference kamakailan.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“Malinaw naman, kumbaga elephant in the room na yan. Talagang gagawin ang proseso ng quo warranto...definitely tatanggalin si Chief Justice,” dagdag niya.

Inihain Solicitor General Jose Calida ang petisyon na ideklarang walang bisa ang appointment ni Chief Justice habang dinidinig ng House Committee on Justice ang impeachment complaint ng abogadong si Larry Gadon laban kay Sereno. Idineklara ng Justice panel na mayroong probable cause sa Gadon complaint gayundin sa anim na Articles of Impeachment laban kay Sereno, na noong 2012 ay itinalaga bilang pinakamataas na mahistrado ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III.

Sakaling magpasya ang SC na patalsikin si Sereno sa pamamamagitan ng quo warranto, hindi na kailangang ituloy ng Kongreso ang impeachment proceeding dahil wala nang opisyal na kailangang i-impeach.

Sa quo warranto, ang kapalaran ni Sereno ay nasa kamay ng 14 pang kasamahan niyang mahistrado sa SC. Anim sa kanila ang tumestigo laban sa umano’y impeachable offenses nito sa panahon ng probable cause hearings sa Kamara.

ISALI SI DE CASTRO

Kung ganito ang rason, hindi lamang si CJ Sereno ang dapat na mabigyan ng quo warranto case mula kay SG Jose Calida.

Kahapon ay hiniling kay Calida na simulan ang quo warranto proceedings laban kay Associate Justice Teresita Leonardo- De Castro, dahil sa umano’y kabiguang magsumite ng kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

“As a citizen of this country and as a taxpayer, I humbly request that the Solicitor General urgently initiate quo warranto proceedings against Associate Justice Teresita Leonardo-De Castro for lacking integrity as a member of the Supreme Court,” saad sa letter-request mula sa private citizen na si Jocelyn Marie Acosta.

Naghain si Calida ng quo warranto petition sa SC para ipawalang bisa ang 2012 appointment ni Sereno bilang CJ dahil sa kabiguan nitong makasunod requirements na itinakda ang Judicial and Bar Council (JBC), partikular ang hindi paghain ng SALNs.

Ibinatay ng SG ang kanyang petisyon sa kahilingan ng abogadong si Eligio Mallari, na nagsabing imbalido ang appointment ni Sereno.

Dahil dito sinabi ni Acosta kay Calida na ginagamit niya ang “same grounds raised by Mr. Mallari in his letter as sufficient grounds for you to file a similar petition for quo warranto against Justice De Castro.”

“I anticipate that you would act with the same zeal as you did when you received the letter of Atty. Maliari in February 2018,” ani Acosta kay Calida.

Ipinaalala ni Acosta na isa si De Castro sa mga kandidato sa posisyon ng chief justice noong 2012.

“JBC records would show that Justice De Castro had only submitted her SALNs for fifteen years when she has been in government service since 1973,” diin ni Acosta.