Ni Annie Abad
Gymnast Daniella Dela Pisa, hanep; swimming records naitala
VIGAN,ILOCOS SUR (via STI) -- Muling nagpakitang gilas ang mga atleta ng CALABARZON Region nang magtala ng panibagong rekord sina Eliza Cuyom sa 100m hurdles at si Jessel Lumapas sa 400m sa secondary girls sa pagpapatuloy ng aksiyon kahapon sa 61st Palarong Pambansa sa President Elpido Quirino Stadium dito.
Binura ni Cuyom ang 22 taong rekord ni Michelle Patasaha ng Western Mindanao Region na 14.90 segundi sa kanyang naitalang 14.50.
Sa kabilang banda, pitong taong rekord naman ang nilampasan ni Lumapas na dating tangan ni Jenny Rose Rosales ng Bicol Region na 57.33 sa naitala nitong 56.28.
“Isang taon ko pong pinaghandaan itong Palarong Pambansa. Last year po kasi bronze lang ako. Masaya poi ako na nabreak ko po yung rekord. nakakaproud po kasi ako yung nakabreak ng rekord,” pahayag ng 17-anyos na si Cuyom.
Sa swimming 20 taong marka naman ang binago ni Philip Joaquin Santos ng National Capital Region.
Nalampasan ng 17 -anyos na si Santos ang lumang record ng isa sa pinakamagaling na swimmer ng bansa na si Carlo Piccio ng Western Visayas Region sa Individual Medley Secondary Boys na 2:13.28 sa orasan matapos itala ng 2:13.05.
Samantalang ang mahigpit nitong kalaban na siya ring pambato ng NCR na si Jerard Dominic Jacinto ay nakakuha naman ng ginto sa 100m Backstroke Secondary boys sa kanyang 1:00.12 sa orasan, kasalukyang nakasalang ang dalawang pambato ng NCR sa 200m backstroke upang paglabanan ang ginto.
“I’ll try my best to win po, pero magaling din po kasi siya (Santos) so may the best man win po,” pahayag ng 17-anyos na si Jacinto na estudyante ng De La Salle Zobel Alabang.
Pumangalawa naman kay Santos ang kakampi na si Christian Sy sa tinapos nitong 2:16.53 kasunod ang pambato ng CALABARZON na si Ethan Roy Go para sa bronze medal.
Sa gymnastics, humakot ng apat na ginto si Daniella Reggie dela Pisa ng Western Visayas Region buhat sa apat na magkakahiwalay na events na kanyang nilahokan -- rope, hoop, ball at individual all around.
Ito ang unang pagkakataon na nagwagi sa nasabing annual meet ang 14-anyos na si dela Pisa na nagangarap makapasok sa national team