BUKOD sa pangamba ng malawakang digmaan kaugnay ng huling pagpapaulan ng missile ng Amerika, Britain at France sa imbakan ng chemical weapons ng Syria, nariyan din ang tumitinding takot sa pagsiklab ng trade war sa pagitan ng Amerika at China na maaaring makaapekto sa ekonomiya ng Pilipinas.
Inihayag ni President Trump nitong Marso 1 ang pagpapataw ng Amerika ng taripa sa mga inaangkat na bakal at aluminium at, pagsapit ng Abril, maging sa mga produkto mula sa Chinese, sa layuning mabawasan ang trade deficit ng Amerika. Kaagad namang gumanti ang China sa pagpapataw ng mga import levy sa soybeans, kotse, at eroplano ng Amerika.
Bukod pa sa mga taripa, napaulat na plano rin ng Amerika na magpataw ng panibagong limitasyon sa pamumuhunan at pormal itong idulog sa World Trade Organization. Nagbabala ang China sa Amerika na maaari itong magdulot ng kawing-kawing na problema, na ayon dito ay magpapaalagwa sa “virus of trade protectionism” sa iba’t ibang panig ng mundo.
Batay sa taya ng isang research institute sa Germany, nanamlay ang morale ng mga mamumuhunan sa Eurozone sa gitna ng pangamba sa pagsiklab ng trade war. Nagpahayag din ng pagkabahala laban sa “cycle of retaliation” ang World Trade Organization. Makikipagpulong si Japanese Prime Minister Shinzo Abe kay President Trump sa Florida ngayong linggo, sa harap ng mga agam-agam tungkol sa tweet kamakailan ni Trump na ang Japan “had hit us hard on trade for years”.
Umaasa ang mga opisyal ng Pilipinas na hindi direktang maaapektuhan ng malawakang trade war sa pagitan ng Amerika at China ang ekonomiya ng Pilipinas. Kapwa sinabi nitong Biyernes nina Socio Economic Planning Secretary Ernesto Pernia at Finance Secretary Carlos Dominguez sa Clark na hindi nakadepende ang Pilipinas sa mga exports at imports gaya ng ibang bansa, kaya “sort of insulated” ito mula sa tumitinding trade war.
“Still, if such a full-blown trade war develops, everybody will be affected,” sabi ni Secretary Dominguez. Sa ngayon, China ang pangunahing katuwang ng Pilipinas sa kalakalan, na noong 2016 ay umabot sa $21.9 billion—15 porsiyento—ng kabuuang kinita ng bansa sa kalakalan. Pumangatlo naman ang Amerika sa $16.4 billion—11.6 porsiyento.
“Nobody wins in trade war,” sabi ni Dominguez. Aniya, umaasa siya, gayundin ang iba pang finance minister ng mga kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na mananaig ang kaayusan at higit na pagtutuunan ang pagkakasundo, liberalization, at pagiging patas sa pandaigdigang kalakalan.
Isa itong pag-asam na pinaninindigan nating lahat—bilang mga mamimili ng mga produkto mula sa China at Amerika, bilang may mabuting ugnayan sa mamamayang Chinese at Amerikano, bilang bansa na nababahala sa anumang hindi pagkakasundo na maaaring magresulta sa malawakan at marahas na alitan sa bahagi nating ito sa mundo.