Mula sa PNA
PINAIGTING pa ng Department of Science and Technology (DoST) ang kampanya nito sa pagsusulong ng kamulatan sa mga estudyante at guro tungkol sa siyensiya at teknolohiya.
Ayon kay Luningning Domingo, Director IV ng National Academy of Science and Technology (NAST), ipinag-utos ni DoST Secretary Fortunato Dela Peña ang pagpupursige upang maunawaan ng publiko ang siyensiya, at ihandog sa mamamayan ang mga benepisyo nito.
“This is also why the DoST carries the tagline, ‘Science for the People’,” sabi ni Domingo.
Bilang ahensiyang nakapaloob sa DoST, dadalhin ng NAST ang mga siyentista sa mga eskuwelahan sa iba’t ibang rehiyon sa bansa. Layunin nitong hikayatin ang mga estudyante na piliing magkaroon ng career sa siyensiya at teknolohiya.
Sinabi ni Domingo na nagpadala rin ang DoST ng mga tagapagsalita mula sa Science Education Institute (SEI) sa iba’t ibang eskuwelahan upang talakayin ang tungkol sa mga scholarship na maaaring mapakinabangan ng mga estudyante.
“Because oftentimes, students may be interested, but they do not know how they could pursue a career in science due to financial constraints, for instance,” paliwanag ni Domingo.
Dadalhin din ng NAST ang mga siyentista sa mga rehiyon upang gabayan ang mga guro sa paghahanda ng kani-kanilang prepare research proposal, partikular para sa pandaigdigang paglalathala.
“Normally, the teachers have case studies and they need to partner with universities to do the research. Our scientists are here to guide them how to prepare proposals,” sabi ni Domingo.
Malaking tulong ang presensiya ng mga siyentista sa mga rehiyon para sa mga estudyante at mga guro, dahil hindi na nila kakailanganin pang mamasahe para magtungo sa Metro Manila, ayon kay Domingo.
Tinukoy ni Domingo ang mga plano ng DoST upang magtatag ng Philippine Science Heritage Center bilang isang “world-class science center”.
Inilahad din ni Domingo na nagtakda na rin ang NAST ng dalawang pandaigdigang pulong ngayong taon.
Aniya, sa susunod na buwan idaraos ang unang international meeting, na dadaluhan ng piling medical practitioner.
Ang isa pang pulong sa Oktubre ay inorganisa naman ng UK Academy of Science.