Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS, ulat nina Beth Camia at Mina Navarro

Inihayag ng Malacañang na hindi na maglalabas ng Executive Order (EO) ang pamahalaan laban sa contractualization ng mga manggagawa sa bansa, makaraang ihayag ng Department of Labor and Employment (DoLE) na ipauubaya na lamang nito sa Kongreso ang kapalaran ng “endo” o end-of-contract.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa kanyang press briefing sa Malacañang kahapon ng umaga.

Tinukoy ang pahayag ni DoLE Secretary Silvestre Bello III, sinabi ni Roque na mas mainam kung reresolbahin ng Kongreso ang usapin sa pamamagitan ng pagpapatibay ng batas para rito, na hindi hamak namang mas epektibo kaysa EO.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“The position of Secretary Bello now is it is better to leave the matter of Endo to Congress,” ani Roque. “The position of Secretary Bello now, which I think is the position of Malacañang as well, is let’s see what kind of legislation Congress will finally approve, noting that the matter is pending in the Senate alone.”

Dahil dito, sinabi ni Roque na hindi na kakailanganin pa ang EO na una nang napaulat na malapit nang lagdaan ni Pangulong Duterte.

“I believe so [na wala nang pipirmahang EO]. That is the position of Secretary Bello now. Alam mo naman ang position ni President, he leaves the management of the line departments to the secretaries,” sabi ni Roque.

Tiniyak din ni Roque na aalamin niya kung sinertipikahan ng Pangulo bilang urgent ang panukalang “End of Endo” sa Senado, lalo dahil naipasa na ng Kamara ang sarili nitong bersiyon ng nasabing panukala.

“I will find out because that seems to be the solution of it all. That would be the solution so the Senate can fast-track the Endo bill,” ani Roque.

Kaugnay nito, hinikayat ni Bello ang mga manggagawa na abangan na lang ang ihahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mayo 1, Labor Day, na tatampukan ng malawakang job fair sa iba’t ibang panig ng bansa.