Ni Beth Camia at Roy C. Mabasa

Inatasan ng Malacañang ang iba’t ibang sangay ng gobyerno na imbestigahan ang kaso ng pang-aabuso sa isang OFW sa Saudi Arabia.

Ayong kay Special Assistant to the President Christopher Bong Go dapat nang busisiin ang kaso ni Agnes Mancilla, 36-anyos na overseas Filipino worker, na pinainom ng bleach ng kanyang amo.

Sinabi ni Go na nakikipag-ugnayan na ang kanyang tanggapan sa concerned agencies para makagawa ng legal action upang makamit ang hustisya para kay Mancilla.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Batay sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA), isinugod sa ospital ng kapwa niya Pinoy si Mancilla noong Abril 2 matapos itong puwersahang painumin ng bleach ng kanyang among babae na nagalit sa maling paghahanda niya ng tsaa.

Isinailalim si Mancilla sa “laparotomy” isang uri ng operasyon para mailabas sa kanyang katawan ang nainom na kemikal.

Taong 2016 nang magtungo sa Saudi Arabia si Mancilla para magtrabahong kasambahaya. Sinasabing sinasaktan siya ng kanyang amo at hindi pinapasuweldo.

Samantala, ikinalugod ng gobyerno ng Pilipinas ang pag-iimbestiga ng National Society of Human Rights sa Saudi Arabia sa kaso ni Mancilla.

“We welcome the investigation conducted by the Society. We believe it demonstrates the resolve of Saudi authorities to bring those responsible for Agnes’s horrifying ordeal to justice,” saad sa pahayag ng DFA kahapon.

Binanggit ng DFA ang “serious interest” ng Society sa kaso ni Mancilla at nagpadala pa ng mga kinatawan sa King Faizal Hospital sa Jizan nitong Miyerkules para tingnan ang mga tinamo nitong pinsala.