Ni Ric Valmonte
“INILALAGAY sa panganib ang pinakabuod ng demokrasya sa Pilipinas,” ito ang pinakatema ng 16 na pahinang ulat ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa United National (UN) special rapporteur ukol sa kalayaan ng mga hukom at abogado. Humihiling ang IBP ng agarang aksyon mula kay UN Special Rapporteur Diego Garcia-Sayan sa mga ginagawa ng adminstrasyong Duterte na pinahihina ang hudikatura at tinatakot ang mga abogado. Ang kawalang kakayahan ng estado upang mapigil ang ginagawang ito administrasyong Duterte, laban sa legal profession na gumaganap ng kanilang tungkulin sa ilalim ng Code at Responsibility, ay lumikha ng pandaigdigang responsibilidad. Nabanggit sa IBP report ang publikong pagbatikos ng Pangulo kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang pagpupursige ng kanyang administrasyong patalsikin ito sa pamamagitan ng impeachment sa Kongreso at quo warranto sa Korte Suprema. Natukoy din dito ang pagbabanta sa buhay ng mga abogado na nagdedepensa ng drug suspect at grupo ng mga magsasaka.
Ang panggigipit sa mga abogado na bumabatikos sa polisiya ng gobyerno at kumakatawan sa kanilang kliyente na tinatawag na “dissenters” at “activists, ay laman din ng reklamo ng IBP sa UN rapporteur. Halimbawa, anito, ay si Atty. Benjamin Ramos, na tumutulong sa mga magsasaka at human rights group sa Negros. Sa mga poster na inilabas ng mga pulis, isa raw siya sa mga komunista na dapat isumbong sa kanila ng publiko. Labag daw ito sa Principle 18 ng Basic Principles on the Role of Lawyers na nagsasabing hindi dapat ituring ang mga abogado na kaisa sila ng kanilang mga kliyente na ipinaglalaban ng mga ito.
Ang kabutihan ngayon kaysa noong panahon ni dating Pangulong Marcos, maagang ipinakita ng mga abogado ang kanilang pwersa para labanan ang hindi makatwiran at makatarungang pamamalakad sa bansa. Sa panahon ni Marcos, nang ideklara niya ang martial law at gumamit ng kamay na bakal sa pamamahala, ang taumbayan kasama na ang IBP, ay matagal nang matauhan sa kanilang pagkabigla. Kaalyado pa nga nito mismo ang IBP. Kaya, ang mga abogado na di sang-ayon sa ginawa ng IBP ay humiwalay at bumuo ng kani-kanilang grupo upang ipagtanggol ang mamamayan laban sa pang-aapi at paniniil. Kinaya nila ang mabigat na tungkuling ito kahit na kakaunti lamang sila, sa kabila ng panganib sa kanilang buhay.
Sinimulan ni Pangulong Duterte ang kanyang pamamahala sa pamamagitan ng pananakot na sinang-ayunan ng mamamayan dahil ang sa akala nila ay makakabuti sa kanila. Ang pinili niyang pamamaraan kasi ay ang pagpuksa sa droga. Ang ginamitan niya ng dahas ay ang mga dukhang sangkot sa droga kahit labag sa rule of law, due process at human rights. Napaaga lang ang pamamaraan niyang ito dahil may CJ Sereno na nagpaalala sa kanya na ang mga pinapatay ay may karapatan din. Natauhan ang sambayanan at naibalik ang kanilang katinuang pansamantalang dinaig ng takot at pangamba. Dito humuhugot ngayon ang IBP.