Ni Mina Navarro

Napaulat na pinag-aaralan ngayon ni Pangulong Duterte na sertipikahan bilang urgent ang panukala sa Kongreso na magbabawal sa “endo”, o end of contract sa bansa, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

Ayon sa kalihim, ito ang naging mungkahi ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa Pangulo upang tuluyan nang mawakasan ang endo sa bansa.

Sinabi pa ni Bello na habang pinag-aaralan ang Executive Order (EO) na ilalabas ni Pangulong Duterte laban sa contractualization, iminungkahi ni Medialdea ang posibilidad na madaliin upang kaagad na maisabatas ang nasabing panukala.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Gayunman, sinabi ni Bello na mainam pa ring maglabas ang Pangulo ng EO, at maaari naman aniyang isabay ang pagsertipika bilang urgent bill sa panukala kontra endo.

Una nang sinabi ni dating Senior Deputy Executive Secretary at ngayon ay Justice Secretary Menardo Guevara na kailangan ng batas upang tuluyang mawakasan ang endo, dahil nakapaloob sa Labor Code ang mga trabahong exempted sa pagreregular sa mga manggagawa.