Ni Orly L. Barcala
Nanlumo ang isang babae nang maabo ang tindahan niya ng mga piyesa ng motorsiklo sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Hindi naiwasang mapaiyak ni Lanie Dela Cruz, 53, nang masunog ang pag-aari niyang motor spare parts na nakabase sa Barangay 162 ng nasabing lungsod.
Ayon kay Dela Cruz, nasa ikalawang palapag siya kasama ang kanyang asawa at kanilang anak nang magliyab ang ikatlong palapag nito, dakong 8:00 ng gabi.
Dahil dito, nagmadaling bumaba ang pamilya Dela Cruz at walang naisalba kundi ang kani-kanilang sarili.
Tinangka pa umano ng anak ni Dela Cruz na bumalik sa loob ng nasusunog na bahay upang kunin ang kanilang ipon, ngunit pinigilan ito ng mga kapitbahay.
Makalipas ang ilang sandal at dumating ang mga bumbero at tuluyang naapula ang apoy dakong 11:35 ng gabi.
“Hindi ko nga po alam kung ano ang pinagmulan ng sunog kasi palagi kong tsine-check ang mga switch ng ilaw bago ako matulog,” sabi ni Lanie.
Walang iniulat na nasaktan sa sunog, na umabot sa ikalawang alarma, habang tinatayang nasa P200,000 ang halaga ng natupok na ari-arian.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.