Ni Erik Espina
MAY nakabalot na aral sa kapalpakan ng mga opisyal ng Boracay, at kung paaano nabisto ang kapabayaan ng lokal na pamahalaan sa tungkuling pangalagaan ang kapaligiran at nasasakupan nito.
Hindi maiiwasan na mawisikan din ng sisi ang ilang ahensya ng pamahalaan, gaya ng regional DENR, DILG at iba pa, dahil nakalusot, pinalusot, o tutulog-tulog ang mga opsiyal nito habang nagaganap ang maraming paglabag sa batas at ordinansa hinggil sa mga istrukturang hotel, tindahan, bar, at iba pa, na namutakte sa maputing baybayin at mga protektadong lupain doon.
Dahil na rin sa kakulangan ng mga daluyang tubo at poso negro, nadumihan at naabuso natin ang mala-birheng anyo ng sikat na bakasyunan sa buong mundo. Tandaan, 700,000 lang katao, kada-taon, ang dapat kayanin ng Boracay, subalit anong nangyari? Noong 2017, halos dalawang milyong turista ang dumagsa sa pulo! Oo, kumita nga ng limpak-limpak na kwarta ang pamahalaang lokal, kasama ang lalawigan, ngunit kapalit nito, sinasakal at pinapatay natin ang mismong lundo ng negosyo, turismo, puhunan, at kung ano pa sa kalaunan. Sa ganitong suliranin, dalawang kataga ang kailangang maipatupad ng mga pulitiko – “Sustainable Development” at “Absorbtive Capacity”.
Ang una, tungkol sa kung papaano natin dapat pangalagaan at ginagalang ang kapaligiran habang hindi sinasagad sa puntong namimiligro na ang mga biyayang tinatamasa – paraisong pulo, malinis na karagatan, at iba pa, para lang umunlad. Ang pangalawang kaisipan ay may kinalaman sa pag-atas ng limitasyon upang huwag mabuwal ang dapat balance at ka-aya-ayang antas tungo sa maayos na pagbabago. Bawal abusuhin ang tanawin ng gahamang komersyalismo dahil may hangganan ang kakayahan nito. Tulad sa Baguio, Tagaytay, Cebu, at Mactan. Sobra-sobrang puno na ang salop. Sa kanluraning mga bansa, sa dayuhan ng mga turista, may mga buwan sa bawat taon, sarado ang mga sikat na lugar. Ito ay upang makapagpahinga ang mga naturang destinasyon sa umpukan ng tao. Para na rin makapaglinis, makapag-ayos at makapagkumpuni ng mga nasira sa lugar, para sa hudyat na magbukas muli, handa na ang lahat.